POSTPONEMENT NG BARMM ELECTION OK KAY GALVEZ

By: Victor Baldemor Ruiz

PABOR si Secretary Carlito Galvez ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) sa panukalang ipagpaliban ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na nakatakdang isabay sana sa May 2025 midterm polls, kung higit umanong makakabuti ito para sa nakararami lalo na sa mga nasasaklaw ng Bangsamoro Autonomous Region base sa ginagawang pag aaral .

Inihayag ni Peace Adviser Sec. Carlito Galvez na umaasa siyang mare-reset ito sa madaling panahon kasabay ng kagustuhang maibalik ang Sulu sa rehiyon.

Nabatid na nasa dalawang kapulungan na ang bola kung palalawigin pa sa susunod na taon ang BARMM election.


Una nang ipinasa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa Kongreso ang pagde-desisyon sa usaping hinggil sa pagpapaliban ng nasabing parliamentary election.

Maging ang Commission on Election ay nag-aabang sa desisyon ng Kongreso.

Ayon kay Commission on Elections chairman George Erwin Garcia, malaki ang masasa­yang na pondo ng gob­yerno kung hindi isasabay ang BARMM parliamentary election sa nakatakda nang May 2025 midterm elections.

Ayon kay Garcia, makakatipid ang gobyerno ng P3 billion kung isasabay na lamang sa 2025 midterm election ang botohan para sa BARMM.


Gaya ng pahayag ni Galvez, nilinaw din ni Garcia na nakahanda ang COMELEC na sumunod anumang oras na ipag-utos ang pagdaraos ng BARMM polls, alinsunod sa batas o sa mapagtitibay ng Kongreso base sa mga inihaing panukala hinggil sa posibleng pagpapaliban ng botohan.

Habang wala pang pasya hinggil dito, sinabi ni Galvez na magpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kaukulang mga ahensya na naghahanda para sa nasabing halalan sa BARMM.

Matatandaan na pareho ngayong nakabinbin sa Kamara at Senado ang mga panukalang batas na magpapaliban sa kauna-unahang halalan sa BARMM.


Tags: Secretary Carlito Galvez

You May Also Like

Most Read