By: JANTZEN ALVIN
Good news sa lahat ng nangangailangan ng valid ID! Magdadala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng kanilang “Mobile Postal ID Services” sa Hunyo 6 at 7 (Sat. at Sun.) bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Kalayaan 2026”.
Matatagpuan ang PHLPost Mobile Services Booth sa Event Stage, Kalayaan Government Programs and Services Area, Central Section, Rizal Park (Luneta), Roxas Boulevard, Ermita, Maynila, kung saan maaaring direktang magtanong at mag-avail ng iba’t ibang serbisyong postal.
Inihayag ni PHLPost corporate communications head Alvin Fidelson na habang nakikibahagi sa mga aktibidad para sa Araw ng Kalayaan, maaari na ring magtanong at kumuha ng Postal ID—isa sa mga kinikilalang government-issued IDs na malawakang ginagamit sa pagbubukas ng bank account, financial transactions, passports, government transactions, at iba pang mahahalagang transaksyon.
Hindi lamang Postal ID ang handog ng PHLPost. Available rin ang Express Mail Services (EMS) para sa mabilis at ligtas na pagpapadala ng mga dokumento at parsela sa loob at labas ng bansa. Tampok din ang Selfie Stamps, kung saan maaaring mailagay ang sariling larawan sa opisyal na selyo ng koreo—isang kakaiba at masayang souvenir para sa pamilya at mga kaibigan.
Kaya huwag palampasin ang pagkakataon! Bisitahin ang PHLPost Booth sa Luneta at samantalahin ang mga serbisyong hatid ng koreo habang ipinagdiriwang ang araw ng kalayaan, ani Fidelson.














