MAY pagkakikilanlan na umano ang Philippine National Police (PNP) sa dalawang Persons of Interest (POI) na tinutukoy sa pagpatay sa mag-asawang online seller habang sakay ng kanilang pick-up truck sa Mexico, Pampanga nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay PNP – Public Information Office Chief PBGen. Jean Fajardo, mayroon na rin silang hawak na testigo na makapagtuturo sa backrider na siyang bumaril at pumatay sa mga biktima.
Sinasabing may lead na ang mag imbestigador sa riding- in- tandem suspects sa pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu sa Mexico, Pampanga.
Napag- alaman na may lumutang umanong testigo na posibleng magbigay ng pagkakakilanlan ng mga killer partikular ang backride na siya ring gunman sa ambush slaying.
Maaalalang patay sa pamamaril ang mag-asawa habang sakay ng kanilang Toyota pick-up truck noong October 4.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng baril ang lalaking biktima sa kanyang kilikili at lumabas sa dibdib habang ang babaeng biktima naman ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang braso at isa sa kanyang kili-kili mula sa kalibre .45 pistola .
Kasama ng mga biktima sa sasakyan ang kanilang anim na taong gulang na anak at 14-anyos na pamangkin na parehong nakaligtas sa pamamaril.
Isa sa anggulong tinitingnan ng pulisya sa pagpatay ay may kinalaman sa negosyo o kaya ay personal.
Sa ngayon, mayroon nang binuong special investigation task group na siyang tututok sa imbestigasyon ng kaso.














