PORMAL NA REKLAMO VS. GUO, INIREKOMENDA NG COMELEC

By: JANTZEN ALVIN

Inirerekomenda ng Law Department ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng pormal na reklamo laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos na mag-matched ang kanyang fingerprint sa Chinese na si Guo Hua Ping.


Napag-alamang inirekomenda na ng Comelec Law Department ang paghahain ng reklamo laban kay Guo dahil sa material misrepresentation sa kanyang kandidatura sa 2022 National and Local Elections (NLE).

Ipinaliwanag ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na ang rekomendasyon ay nag-ugat sa resulta ng imbestigasyon ng fact-finding committee at analysis ng mga eksperto na ang fingerprints ni Guo sa kanyang election records, ay tumugma sa fingerprint ni Guo Hua Ping, na isang Chinese.

“Ang recommendation ng aming fact-finding panel ay mag-file ng formal complaint laban kay Mayor Guo dahil sa misrepresentation sapagkat napatunayan ng aming mga eksperto na ‘yung anim na fingerprint, dalawa mula sa NBI at kasama po dun ‘yung alien certificate of registration ng isang Guo Hua Ping at ‘yung lima pa na fingerprints ng isang Alice Guo na kumuha ng NBI clearance,” paliwanag ni Garcia.


“At the same time, ‘yung nag-apply ng candidacy, nag-apply na botante sa Bamban, Tarlac, bumoto nung May 2022 elections at bumoto na Alice Guo sa BSKE noong 2023 ay iisang tao lamang. Therefore, dahil iisang tao, dahil Chinese si Guo Hua Ping, ang presumption may misrepresentation ‘yung Alice Guo na siya ay Pilipino. Ang sabi ng aming Law Department at panel, nangangahulugan na hindi sya Pilipino and therefore, dapat siyang kasuhan,” aniya.

Nauna rito ay lumitaw sa imbestigasyon ng NBI na ang fingerprints nina Guo at Hua ay iisa lamang.


Tags: Tarlac Mayor Alice Guo

You May Also Like