Ilalagay sa loob ng isang “glass case “ang Itim na Poong Nazareno sa 2024 Traslacion upang mabigyang-proteksyon at magkaroon ng pagkakataon ang mga debotong makita ito habang ipinu-prusisyon.
Ito ang inihayag ng Minor Basilica at National Shrine of the Black Nazarene, kung saan ang tema ng selebrasyon ng Nazareno 2024 ay “Ibig naming makita si Hesus” na hango sa ebanghelyo ni San Juan, kasunod ng pag-anunsiyo sa aktibidad ng Itim na Poong Nazareno.
Napag-alaman na sisimulan na ang mga aktibidad sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong Disyembre 30 ,2023 dakong alas-11:30 ng gabi sa pamamagitan ng isang Thanksgiving Procession sa paligid ng Quiapo.
Ayon sa Minor Basilica at National Shrine of the Black Nazarene, sa Disyembre 31 ,2023 hanggang sa Enero 8,2024 ay isasagawa ang misa nobenaryo kung saan ngayong taon itinalaga ng dambana ang lahat ng misa para sa paghahanda sa kapistahan.
Ang misa nobenaryo ay live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846 AM mula Disyembre 31, 2023 hanggang Enero 8, 2024.
Magkakaroon rin ng barangay visitation sa paligid ng Quiapo mula Enero 1 hanggang 6 habang sa 3 at 4 naman isasagawa ang replica blessing at prusisyon ala- 1:30 ng hapon.
Samantala, sa Enero 6 ganap na alas-6 ng gabi ay isasagawa ang misa para sa volunteers ng Nazareno 2024 na susundan ng pagbubukas sa’ Pahalik’ alas- 7 ng gabi na magpapatuloy hanggang Enero 8 sa Quirino Grandstand.
Isasagawa naman ang panalangin sa ‘Takipsilim’ alas- 5:30 ng hapon na susundan ng vigil at ilang palatuntunan sa.ganap na alas- 6 ng gabi.
Magsisimula rin ang Fiesta Mass sa Enero 8 alas-3 ng hapon hanggang alas- 11 ng gabi habang sa Enero 9 ng hatinggabi isasagawa ang Misa Mayor sa Quirino Grandstand na pamumunuan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na susundan din ng prusisyon ng imahe ng Poong Nazareno pabalik sa dambana ng Basilica.
Kaugnay nito, live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846AM, DZRV facebook page, Cignal channel 313 at Sky cable channel 211 ang fiesta mass, misa mayor ni Cardinal Advincula sa Quirino grandstand at prusisyon ng imahe ng Poong Hesus Nazareno hanggang sa makabalik ito sa Minor Basilica of the Black Nazarene.
Magpapatuloy naman ang fiesta masses sa Quiapo Church mula alas-12 ng hatinggabi hanggang ala-11 ng gabi, kung saan sa kabuuan ay may 33 misa sa kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.