KINUMPIRMA kahapon ng National Police Commission (NAPOLCOM) na tuluyan na nilang sinibak sa serbisyo ang vlogger-cop na tumuligsa sa administrasyong Marcos kasunod pagdakip kay dating Presidente Rodrigo Duterte at hindi na rin ito makakapasok sa anumang public service.
Inihayag ng NAPOLCOM na dismissed na sa serbisyo si Patrolman Steve Francis Fontillas matapos na nag-viral sa social media platforms dahil sa pagpapakita nito ng suporta kay dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte nang arestuhin ito at dalhin sa The Hague sa Netherlands, kaugnay sa kasong Crimes Against Humanity na nakahain sa International Criminal Court.
Si Fontillas ay sinasabing napatunayang guilty sa mga kasong grave misconduct unbecoming of a police officer at disloyalty to the government, ayon sa Napolcom, ang ahensiyang naatasang magsiyasat sa mga irregularidad sa hanay ng kapulisan.
Sa en banc decision ng NAPOLCOM, napatunayang guilty si Fontillas at maliban sa pagkasibak sa serbisyo, pinatawan din si Fontillas ng accessory penalty na perpetual disqualification sa public service.
Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, unanimous ang ibinabang desisyon ng kanilang en banc.
Magugunita na naging kontrobersyal ang naturang police vlogger dahil sa nag-viral niyang post sa social media na bumabatikos sa PNP at kay Pangulong Ferdinand Marcosm, Jr., matapos inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Fontillas ay pormal na sinampahan ng kaso sa Napolcom bago pa ito naghain ng kanyang resignation, kaya nasa ilalim na ito ng jurisdiction ng NAPOLCOM.
“Thus, no matter what Fontillas claims, he cannot conveniently escape liability through resignation,and was thus made liable, as he should be.” anang NAPOLCOM.
Si Fontilla ay sinasabing may ‘mood swing” simula pa nuong 2023 at nagbitiw sa serbisyo noong April 10, 2025. #
Sa nag-viral na Facebook video ni Fontillas ay nakapaskil na:”Pulis ako. Hindi mo ako pwedeng utusan. Patrolman lang ako pero hindi mo ako pwedeng utusan ng mali, kahit sino ka pa…Presidente lang siya. Ako, pulis ako. Pwede ko siya arestuhin kapag wala siya sa serbisyo.”