ISANG police major general ang ipinagharap ng reklamo ng isang police officer dahil umano sa ‘erratic behavior’ at kagaspangan ng pagtrato sa mga pulis sa loob mismo ng Camp Crame.
Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Dionardo Carlos na haharap sa imbestigasyon si PMGen. Arthur Bisnar ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development o DHRD.
Ito ay makaraang matanggap ni Gen. Carlos ang report ni PCol. Randy Glenn Silvio, hepe ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG NCR).
Sinabi ni Gen. Carlos na may dalawang paraan para maimbestigahan si Bisnar.
Ito ay sa pamamagitan ng PNP IAS o kaya ay sa pamamagitan ng grievance committee na pinamumunuan ng PNP- Deputy Chief for Administration.
Anuman ang rekomendasyon ng mga ito ay isusumite sa hepe ng pambansang pulisya.
Si Bisnar ay inireklamo nina Col. Silvio dahil sa malulutong nitong pagmumura sa kanila dahil lamang sa hindi pa natanggal na gate na kanilang pinaalis, dahil nasa kontrol na ito ng kontratista.
Itinuturing umano nila itong “erratic behavior” at “conduct unbecoming of an officer and gentleman” kaya’t sila ay humihingi ng kaukulang imbestigasyon. (VICTOR BALDEMOR)