MANANATILI pa rin muna sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) makaraang atasan ni Secretary Silvestre Bello III ang mga opisyales nito na panatilihin ang ‘status quo’ habang hindi pa ganap na nabubuo ang Department of Migrant Workers (DMW).
Inilabas ni Bello ang direktiba kasunod ng mga kasalungat na posisyon ng ibang kampo na umano’y naghatid ng kalituhan at pagkaantala sa serbisyo publiko ng POEA para sa mga manggagawang Pilipino.
Inasatan rin ng kalihim sa ilalim ng inilabas na memorandum si POEA Administrator Bernard Olalia na maglabas ng kautusan para ipatupad ang kaniyang direktiba para mapanumbalik ang serbisyo at operasyon ng ahensya.
Iginiit niya na hindi pa naman ganap na nabubuo ang DMW dahil sa wala pang pondo mula sa 2023 General Appropriations Act; wala pang ‘implementing rules and regulations (IRR)’; at wala pa ring ‘staffing pattern.’
Dahil sa makakaibang posisyon, itinuro ni Bello ang isinasaad ng Administrative Code ng 1987 na nagsasabi na lahat ng pagtatalo at kontrobersya ng mga departamento, bureau, opisina at ahensya ng nasyunal na pamahalaan ay dapat inaayos ng kalihim ng Department of Justice, bilang Attorney-General ng pamahalaan.
“Thus, it is of utmost importance that the status quo be maintained pending the issuance of the Justice Secretary of his ruling or decision, which shall be conclusive and binding on all parties concerned,” saad pa ni Bello.
Hiningi na ng Blas F. Ople Policy Center ang opinyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra ukol sa usapin. (Jaymel Manuel)














