NAKAMIT na ng Philippine National Police ang target nilang zero case sa COVID-19 kasabay naman ng patuloy na naitala na pagbaba ng mga kaso ng coronavirus sa Pilipinas.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police BGen Roderick Alba, gumaling na ang nag iisa nilang tauhan na may COVID-19 kaya opisyal nang COVID free ngayon ang PNP.
Pero patuloy ang kanyang paalala sa kanilang mga tauhan na sumunod sa health protocol at istrikto itong ipatupad sa mga kampo.
Matatandaan na nito lang Enero, umabot sa mahigit 4,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP.
Habang nanatili naman sa 129 ang mga nasawi sa COVID-19 sa PNP.
Posibleng epekto na rin umano ito ng patuloy na pagbagal ng ng mga kaso ng COVID-19 na naitatala sa Pilipinas, ayon sa Department of Health.
Nabatid na nasa 1.62 porsyento ang COVID-19 positivity rate habang nasa 97.63 porsiyento ang recovery rate.
Sa kabila nito, nananatili pa rin aniya sa minimal risk ang bansa pagdating sa COVID-19.
Kaugnay nito nagbabala ang PNP at maging ang DOH sa mamayan na huwag munang gawin ang ilang nakagawiang tradisyun sa Semana Santa para makaiwas sa COVID-19 at iba pang sakit.
Kabilang na aniya rito ang pag-penitensiya sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, pati ang pagpahid at paghalik sa mga santo at imahen.
“Iwasan natin ang mga aktibidad kagaya ng pagpepenitensya sa paraan ng pagpapako sa krus at iba pa po upang maiwasan natin ang tetanus at pagkakaroon ng sugat at impeksyon,” anang DOH.
Pinapayuhan din ng Kagawaran ng Kalusugan ang publiko na iwasan ang paghalik sa mga santo at santa at iba pang imahen o poon sa ating mga simbahan dahil maaari po itong maging paraan ng pagkalat ng virus, kasunod ng ulat na may mga naitatala na muling mga COVID-19 case sa mga klinika.
Kasama rin aniya sa mga kaso iyong mga kailangang ma-admit sa ospital na patunay aniyang hindi pa nawawala ang virus lalo’t pinangangambahan ang pagpasok ng bagong variant na omicron XE.
Dahil dito, iginiit ng mga eksperto na magpa-booster shots ang publiko, lalo’t inaasahang dadami ang superspreader events gaya ng mga aktibidad tuwing Semana Santa at mga campaign rally.
Kung kayo ay pupunta sa mga ganitong aktibidades, kahit na sa ordinaryo, yung paglabas-labas lang ho natin, sana ho palagi pa rin natin suot ang ating face mask at isuot natin nang tama. Isa pang mabisang pamamaraan na proteksyunan natin ang sarili natin ay sa pamamagitan ng pagkuha nila ng booster shots.
Sabi naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili ang mandato sa pagsusuot ng face masks, bunsod ng muling pagtaas ng COVID-19 cases sa China at iba pang bansa sa Europa dahil sa nagsusulputang variants.
“There is no way that masks will not be required. It will be a part ofthe protocol for a long time until the last day of my office. ‘Yan ang order ko at ‘yan ang sundin ninyo. We are not out of the woods actually. We are still in a bind,” ani Duterte, na nagsabing ‘posible’ pa rin ang surge. (VICTOR BALDEMOR)