Latest News

PNP: ‘WELCOME’ ANG CHR PROBE, 2,000 KASO LABAN SA MGA PULIS

By: Victor Baldemor Ruiz

‘WELCOME’ umano sa pamunuan ng Philippine National Police ang planong pagsisiyasat ng Commission on Human Right hinggil sa umanoy libo- libong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga alagad ng batas.

Ayon kay PNP Spokesperson at PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, nakahandang makipagtulungan ang PNP sa CHR sa gagawin nilang probe sa umano’y mga human rights violation.

Nirerespeto umano ng pambansang pulis ang hakbang na ito ng CHR kaya handa silang makipag-koordinasyon at ibigay ang mga kakailanganing ng nasabing ahensiya kaugnay sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Magugunitang una rito ay isinusulong sa Senado ang pagsisiyasat sa mga paglabag sa karapatang-pantao bunsod ng mga insidente ng pagpatay sa ilang menor de edad

Nabatid na plano ng CHR na siyasatin ang umanoy nasa 2,000 kaso ng human rights violations na kinasasangkutan ng mga pulis.

Nilinaw naman ni Col. Fajardo na hindi kinukunsinti ng PNP ang anumang maling gawain ng mga pulis at tumutulong sila sa pagkakamit ng hustisya sakaling may karapatang pantao na nalalabag ang mga pulis .

Samantala, tuloy din umano ang imbestigasyon hinggil sa magkakasunod na kaso ng pagpatay sa ilang mga kabataan na pulis ang itinuturong responsable.

Magugunitang hindi pa nakakalimutan ng sambayanan ang ginawang pagpatay ng anim na pulis Navotas sa 17- anyos na si Jemboy Baltazar ay panibagong kaso ng pamamaslang na naman ng mga pulis ang nangyari sa isang 15-anyos na si John Frances Ompad sa Rodriguez, Rizal.

Pinaslang si Ompad ilang linggo lang pagkatapos mangyari ang insidente ng pagpatay ng mga pulis kay Baltazar dahil sa ‘mistaken identity’.

Katulad ni Baltazar, si Ompad ay nadamay lang din matapos makarinig ng magkakasunod na putok sa labas ng kanilang bahay.

Base sa resolusyong inihain sa Senado kaugnay sa isinusulong na imbestigasyon hinggil sa human rights violation ay tinatayang aabot sa 129 na mga kabataan ang napaslang sa pagitan ng 2016 at 2020 kung saan sa bilang na ito, 40 percent ng ‘child killings’ ay kagagawan ng mga pulis habang ang natitira sa bilang na ito ay gawa ng mga hindi pa kilalang salarin pero ang iba ay may direktang link o inu-ugnay sa kapulisan.

Tags:

You May Also Like

Most Read