Latest News

PNP, WALANG KINALAMAN SA KUMAKALAT NA VIDEO NI CONGRESSMAN DUTERTE

By: Victor Baldemor Ruiz

WALA umanong kinalaman ang Philippine National Police sa kumakalat na CCTV videos ni Davao City Congressman Paolo Duterte na nanakit umano ng isang lalaki sa loob ng restobar.

Pinaninindigan ng PNP na hindi sila ang source ng mga kumakalat na CCTV video at affidavit na may kaugnayan sa gulo sa isang bar sa Davao City kung saan sangkot nga si Rep. Duterte.

Ayon sa opisyal na pahayag ng PNP, wala sa kanilang kustodiya ang CCTV footage at hindi rin sila ang naglabas ng affidavit ng complainant na kalat ngayon sa social media.


Ayon kay Police Brigadier General Jean S. Fajardo, tagapagsalita ng PNP at Regional Director ng Police Regional Office 3, iginagalang ng kanilang hanay ang proseso ng batas at tinitiyak na walang opisyal na naglabas ng nasabing video.

Bukod pa rito ay naisampa na umano sa Department of Justice (DOJ) ang mga kasong Physical Injury at Grave Threats laban kay Rep. Duterte kaya lalo silang hindi makikialam dito, anang opisyal.


Ang mga reklamong inihain ay batay sa salaysay ng biktima at kasalukuyan nang isinailalim sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad.

Kasunod nito, tiniyak ng Pambansang Pulisya na mananatili itong patas at tapat sa kanilang tungkulin, kahit sinong tao pa ang sangkot.


Kasabay nito, umapela ang PNP sa publiko na maging maingat sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, lalo na kung ito’y walang kumpirmasyon sa anumang opisyal.

Kaugnay nito, kinasuhan na ng PNP ang vlogger na nagsabing sinalakay ng pulisya ang tahanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City kamakailan.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil tukoy na nila ang naturang vlogger pero hindi muna niya ito pinangalanan.

Una nang sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Nicolas Torre III na walang inilunsad na operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group sa Davao City.

Tags: Philippine National Police

You May Also Like

Most Read