NILINAW kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police na hindi ito nag- aalok ng reward para sa mga mapapatay sa anti-drug operations.
Ito ay matapos ang nakakayanig na pasabog ni Police Lt. Col. Jovie Espenido sa ginanap na House Committee Hearing laban sa PNP organization.
Napag-alaman na lubhang ikinalungkot ng pamunuan ng Pambansang Pulisya ang naging pahayag ni Espenido na “biggest crime group in the country” ang PNP.
Dahil dito ay hinahamon ngayon si Espenido na maglabas ng matibay na ebidensya sa kanyang mga paratang na ang Pambansang Pulisya ay ang pinakamalaking criminal at organized na sindikato sa bansa.
Paliwanag ni Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, hindi nila matukoy kung saan nanggaling ang impormasyon at naging nilalaman ng pahayag ng kontrobersyal na pulis.
Mariing itinanggi ng PNP na nag-aalok ang pulisya ng reward sa bawat mapapatay na suspek sa kanilang anti-drug operations.
“That is his statement kaya kailangan tanungin natin siya. Probably, he has personal knowledge doon sa sinasabi niyang reward but para sabihin na ito ay ginawa sa buong PNP, very sweeping yung kanyang sinasabi,” ani Fajardo.
“Kung meron siyang personal knowledge na siya ay binigyan ng reward, tinanong naman siya ang sabi niya ay wala,” dagdag nito.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Kamara ang mga nasawi sa drug war sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinasabing may P20,000 ang ibinibigay sa bawat mapapatay na suspek at P100,000 para sa isang matagumpay na buy-bust operation.
Si Espenido ay isang kontrobersyal na pulis sa panahon ni Duterte kung saan pinangunahan niya ang iba’t-ibang major drug operation laban sa mga big-time na tulak sa Albuera, Leyte at maging sa Ozamis City na ikinamatay ng mga kilalang personalidad.
Giit ni Fajardo, kailangang patotohanan ito ni Espenido dahil buong organisasyon ang kanyang binabanggit at hindi lang isang opisyal ng PNP.














