Latest News

PNP, TUTULONG SA PAGDAKIP KAY QUIBOLOY; SENADO, NAGLABAS NA NG ARREST ORDER

By: Victor Baldemor Ruiz

NAGLABAS na ng ‘arrest order’ laban kay Pastor Apollo Quiboloy, leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang Senado bunsod ng paulit-ulit na pagtanggi nitong humarap sa imbestigasyon ng Senate Committee na dumidinig sa kanyang kaso.

Ang Senate order na pirmado ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay nag-uutos na ma-cite in contempt si Quiboloy at i-detain ito sa office of the Senate sergeant-at-arms, “until such time that he appear and testify”.


Kaugnay nito ay una nang inihayag ng Philippine National Police na nakahanda silang tulungan ang Senate Sgt. At Arms sa pag-aresto sa sinasabing “Appointed Son of God” sa oras na maglabas ng arrest ordera ang mataas na kapulungan.

Ang arrest order ay nag-ugat sa rekomendasyon ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros, matapos na hindi tanggapin ang paliwanag ni Quiboloy sa ‘show cause order’ na ipinadala ng Senado.

Magugunitang tiniyak ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo sa panayam ng media na handa silang tumulong sa pagdakip sa pinuno ng Kingdom of Jesus Christ at sinabing hinihintay na lamang nila ang warrant of arrest laban kay Quiboloy.


Binigyang-diin ni Fajardo na magbibigay sila ng seguridad sa Senate Sergeant-at-Arms na mamumuno sa pagpapatupad nito.

Gayunman, sinabi ng opisyal na hindi pa nakikipag-ugnayan ang Senado sa PNP hinggil sa usapin.


Matatandaang isinampa ng Department of Justice (DOJ) ang kasong child abuse, sexual abuse of a minor at qualified human trafficking alinsunod sa itinakda ng ng Republic Act 7610 dahil sa reklamo ng isang 17-anyos na babae noong 2011.

Matatandaang iniimbestigahan ng komite ang pastor laban sa mga reklamo ng human trafficking, panghahalay, sexual abuse at iba pang pang-aabuso sa mga kabataan at kababaihan na miyembro ng KOJC.


Binibigyan naman ang Senate Sergeant-at-Arms ng 24 oras para maipatupad ang pag-aresto kay Quiboloy mula sa paglabas ng nasabing kautusan.

Tahasan namang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang sa kanya. Wala umanong katotohanan na may inabuso siyang mga babaeng personal assistants o “pastorals” at mariin pa nitong sinabi na gawa-gawa lamang ito ng ilang babae na kanyang tinanggihan.

“Ako po ay hindi nag-asawa. Ngayon, inaakusahan ako ng napakaraming babae. Eto po ang kasalanan ko. Pinayaman ako ng Panginoon. Akala nila sa akin, single ako, kaya pinag-aagawan ako. Pagkatapos na ako’y maghihinde, mapapahiya, binabaliktad nila sa akin. ‘Yan ang tinatawag kong Potiphar’s wife syndrome,” ani pastor Quiboloy.



Tags: Pastor Apollo Quiboloy

You May Also Like