SUSUNOD lamang ang Philippine National Police (PNP) sa ibabang kautusan sa kanila ng national government pagdating sa imbestigasyon sa drug war ng International Criminal Court (ICC).
Habang isang Partylist Congressman naman ang nagsabing dapat na resolbahin muna nila ang isyu hinggil sa Jurisdiction bago panghimasukan ICC ang judicial system ng Pilipinas.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, suportado nila ang posisyon ng national government pagdating sa hindi pagkilala sa ICC.
May kwestyon kasi aniya ng hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas lalo pa’t matagal na tayong kumalas sa ICC.
Bukod dito ay gumagana naman ang justice system sa bansa, anang PNP na sinegundahan kahapon ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo sa ginanap na “MACHRA’s Balitaan” na inorganisa ng Manila City Hall Reporters’ Association, kahapon sa Century Seafood Restaurant.
Ayon kay Cong. Erwin Tulfo, dapat na resolbahin muna ng ICC ang usapin hinggil sa jurisdiction dahil hanggang sa ngayon ay nanahimik sila at hindi naglalabas ng pahayag hinggil dito.
Gumagana naman ang justice system sa Pilipinas ani Tulfo at patunay aniya rito ang mga pulis na naparusahan na matapos makitang may mga pagkakamali sa ginagawang operasyon.
Matatandaang, kahapon ay ibinasura ng ICC ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na itigil ang imbestigasyon sa ‘war on drugs’ noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hudyat ng muling pagsulong ng kanilang pag-iimbestiga boto 3-2.
“The ICC (International Criminal Court) has to resolve the question on jurisdiction first before anything else,” ani Tulfo na dati ring Department of Social Welfare and Development Secretary bago nahirang na ACT-CIS Partylist Representative.
“Personally, kung wala na tayo, bakit pa tayo panghihimasukan? We are not a member anymore… parang pangi-insulto naman na wala silang tiwala sa ating justice system eh meron naman, gumagana naman,” pahayag pa ng kongresista.
“Mabuti sana kung wala… halatang-halata na ang target ng ICC ay sina dating Pangulong Duterte at Senator Bato,” kaya tama lamang umano na gobyerno sa kanilang aksyon na tanggihan ang nasabing hakbang ng ICC.