PNP sa Ilalim ni Chief Nartatez: Disiplina, Aksyon at Kongkretong Resulta

By: Jerry S. Tan

“Sa larangan ng pagpapatupad ng batas, hindi nasusukat ang pamumuno sa dami ng sinasabi o sa madalas na pagharap sa publiko. Mas malinaw itong nakikita sa mga konkretong aksyon.”

Ayon kay Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez, Jr., piniling tahakin ng Philippine National Police (PNP) ang isang direksyong tahimik ngunit matibay, mas inuuna ang disiplina, maayos na pagpapatakbo ng operasyon at malinaw na resulta kaysa palabas.


“Simple ang pamantayan: gawin nang maayos ang tungkulin at hayaang ang gawa ang magsalita,” aniya.

Makikita umano ang ganitong uri ng pamumuno sa operasyong isinagawa noong Disyembre 13, 2025, bandang ala-1 ng hapon, sa C6 Aura Duterte Street sa Barangay Napindan, Taguig City, kung saan pinangunahan ito ng PNP Drug Enforcement Group sa pamamagitan ng Special Operations Unit NCR, katuwang ang District Intelligence Division ng Southern Police District at ang PDEA NCR. Ang operasyon ay bunga umano ng maingat na paghahanda at matagal na intelligence work ng mga awtoridad.

Limang high-value targets ang nahuli sa isinagawang operasyon na kimilalang sina John Walter Bernaldo Carlos, Danny San Jose Ordoñez, Joniel Coricor Almeda, Alvin Zabala Escovidal at Elmer Rabanes.


Ayon sa mga imbestigador, may mahalagang papel ang grupo sa isang organisadong network ng ilegal na droga at ang kanilang pagkakaaresto ay nagdulot ng malinaw na pagkagambala sa patuloy na galaw ng droga sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Kasabay nito, nasamsam ang mahigit 25.5 kilo ng hinihinalang shabu, humigit-kumulang 1.77 kilo ng high-grade marijuana kush at 140 piraso ng marijuana oil cartridges. Narekober din sa operasyon ang ilang smuggled cigarettes, bukod pa sa iba pang ebidensyang may kaugnayan sa kaso. Tinatayang lagpas P176 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasabat na droga.




“Hindi lamang ito usapin ng dami o halaga, kundi isang seryosong dagok sa isang aktibong network at banta na matagal nang nakaapekto sa mga komunidad,” aniya.

Bukod sa droga, narekober din ng mga operatiba ang isang Glock 17 na baril na may bala, buy-bust money, mga cellular phone at identification cards. Ang mga suspek at non-drug evidence ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Drug Enforcement Group, habang ang mga nasabat na droga ay isinailalim na sa forensic examination.


Gumamit din ng alternative recording devices sa buong operasyon, bilang bahagi ng pagtiyak sa tamang dokumentasyon, transparency at pananagutan.

“Hindi lamang sa laki ng mga nasamsam nasusukat ang operasyong ito, kundi sa paraan kung paano ito naisakatuparan. Ipinapakita nito ang malinaw na takbo ng organisasyon, kung saan malinaw ang direksyon at malinaw din ang papel ng bawat unit. Binibigyang-halaga ang maayos na koordinasyon, pananagutan sa command at kumpiyansa sa kakayahan ng mga operatiba sa field. Ang tagumpay ng operasyon ay hindi tsamba, kundi resulta ng maingat na paghahanda, disiplina, at pamumunong nakatuon sa mismong gawain,” paglalahad ni Nartatez.

Sa panahong madalas mas nabibigyang-diin ang mga pahayag kaysa sa aktwal na gawain, ipinapakita umano ng operasyong ito na ang epektibong pamumuno ay nasusukat sa konkretong resulta.


Sa ilalim ng pamumuno ni Chief Nartatez, tiniyak nito na patuloy na itinataguyod ng Philippine National Police ang isang pamamalakad na nakatuon sa tuluy-tuloy na aksyon, disiplina at mga pagbabagong may pangmatagalang epekto,na higit psa pansamantalang atensyon ng publiko.

Tags: Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez, Jr.

You May Also Like