PINAGHANDAAN din ng Philippine National Police (PNP) ang nakatakdang pagbisita sa bansa ni United States Vice President Kamala Harris sa darating na Nobyembre 20 hanggang 22, 2022, para matiyak ang seguridad nito habang nasa Pilipinas.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, mayroong security plan na inilatag ang Presidential Security Group (PSG) na siyang overall in-charge para sa pagbisita ni VP Harris at ang PNP ang katuwang sa implementasyon nito.
Nabatid na darating sa bansa si Harris matapos ang pagdalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.
Sa Nobyembre 21, nakatakdang makipagpulong si Harris kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte bilang bahagi ng pagpapaigting sa alyansa ng dalawang bansa maging ng security at economic ties ng Pilipinas at Amerika.
Base sa paunang impormasyon, kabilang sa mga bibisitahin ni Harris ang isla ng Palawan na malapit lamang sa pinag-aagawang Spratlys Island para kausapin ang mga local residents, partikular ang mga mangingisda at maging ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard na nagbabantay sa West Philippine Sea. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)