TODO ang paghahandang ginagawa ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police sa inaasahang pagbabalik-eskuwela ng may 28 milyong estudyante sa buong bansa.
Naglabas ng mga guidelines si PNP Chief General Benjamin Acorda para matiyak ang peace and order at public safety sa lahat ng mga paaralan, transportation hubs at ‘places of convergence’ sa inaasahang pagdagsa ng mga mag-aaral sa mga pampublikong lugar.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, kaakibat ng kanilang preparasyon para matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga mag- aaral ang paglulunsad ng ‘PNP: Oplan Balik Eskwela’ sa susunod na Lunes, August 14, 2023.
Para sa ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga estudyante at guro sa Agosto 29 ay naglabas ng operational guidelines ang PNP na tinawag na ‘Oplan Balik Eskwela school year 2023-24.’
Libo-libong pulis din ang ikakalat sa pagbubukas ng klase sa buong bansa sa mga pampublikong paaralan sa August 29 at itatalaga sa mga police assistance desk malapit sa mga paaralan para magbantay ng seguridad ng mga mag-aaral, mga guro at magulang na inaasahang magdagsaan sa araw ng pasukan.
Maliban pa yan sa mga pulis na nakatoka sa pinalawig na mobile at beat patrol sa bisinidad ng mga paaralan.
Samantala, sinabi pa ni Fajardo na inatasan din ang mga unit commander na makipag-ugnayan sa mga pamunuan ng mga paaralan at parent-teacher groups sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga mag-aaral mula sa banta ng mga criminal elements
Pinag-aaralan din ang pagpapadala ng mga pulis para lumahok sa Brigada Eskwela at simulation exercises (SIMEX) upang sanayin ang mga mag-aaral sa mga posibleng insidente tulad ng bomb threat, sunog, lindol at iba pang sakuna.














