OPISYAL na itinalaga kahapon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos,Jr. bilang bagong pinuno ng Philippine National Police si MGen. Rommel Francisco Marbil kapalit ng nag-retirong si General Benjamin Acorda, Jr. na kapwa miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sambisig Class 1991.
Pinangunahan mismo ni Pangulong Marcos ang ginanap na retirement honors at change of command ceremony kahapon sa Kampo Crame.
Linggo Pasko ng Pagkabuhay ay maaalala na unang itinalaga ng Office of the President sa pamamagitan ng isang Memorandum si PLTGen. Emmanuel Peralta, ang Number 2 man ng PNP na Mistah rin ni Acorda, bilang officer- in -charge ng Pambansang Pulis.
Nagwakas kamakalawa, Marso 31, 2024, ang extension ng ‘tour of duty’ ni PNP Chief Acorda.
Si Marbil, na magsisilbing ika-30 PNP chief, ay pinamunuan muna ang PNP Directorate for Comptrollership bago ang kanyang appointment bilang PNP chief.
Una rito ay pinangunahan din niya ang PNP Highway Patrol Group bago naging director ng PNP-Eastern Visayas police.
Sa nasabing turnover ceremony ay pinasalamatan ni Acorda ang Pangulong Marcos sa ibinigay nitong tiwala para pamunuan ang 225,000-strong PNP, kung saan pinalawig pa ang termino nito ng tatlong buwan matapos niyang sapitin ang mandatory retirement age noong Disyembre.