HUMIGIT- kumulang sa 11,000 pulis ang ikinalat ng Philippine National Police (PNP) sa kalakhang-Maynila kasabay ng pagdiriwang ng ika-127 taong selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Inihayag naman ni PNP chief Gneral Nicolas Torre ang pakikiisa ng Pambansang Pulis sa paggunita ng 127th Independence Day kahapon.
Ayon kay Gen Torre, kaisa ang Philippine National Police (PNP) ng buong sambayanan sa pagdiriwang ng ika-127 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong (kahapon) Hunyo 12, 2025, na may temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.”
Sa mensahe ni Torre, kinikilala ng Pambansang Pulisya ang katapangan at sakripisyo ng mga bayani ng bansa na nagbuwis ng buhay upang makamit ang kalayaang tinatamasa natin ngayon.
Sinabi pa ni Torre na bilang mga tagapangalaga ng kapayapaan at demokrasya, tinitiyak ng PNP ang kanilang patuloy na suporta sa mamamayang Pilipino sa pagpapanatili ng kalayaang bunga ng dugo at pawis ng ating mga ninuno at bayani.
Patuloy umanong tutuparin ng PNP ang tungkuling protektahan ang karapatan at kalayaan ng bawat mamamayan.
Ayon sa heneral, ang tema ngayong taon ay paalala na ang kasaysayan ng kalayaan ay hindi lamang alaala ng nakaraan kundi kwento ring patuloy nating isinusulat para sa ating kinabukasan.
Samantala, inihayag naman ni PNP Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Randulf Tuaño na may kabuuang 10,969 pulis ang itinalaga para tiyakin ang seguridad sa iba’t -ibang aktibidad sa Metro Manila.
Tampok sa selebrasyon kahapon ang simultaneous flagraising at wreath-laying ceremony sa Rizal national Monument sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, Maynila, kung saan pinangunahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Ayon sa National Historical Commission of the Philippines, ang sabayang flag-raising at wreath-laying ceremonies ay idinaos din sa Dambanang Emilio Aguinaldo sa Cavite, Barasoain Church Historical Landmark sa Malolos City, Bulacan, Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan City, Mausoleo delos Veteranos dela Revolucion sa Manila North Cemetery, Andres Bonifacio National Monument sa Caloocan City, at Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa Angeles City, Pampanga. Bukod pa sa flag-raising rites na isinabay ng 28 NHCP museums, at mga LGUs sa buong bansa at maging sa mga Philippine embassies sa ibayong dagat.














