UMAABOT sa 13 kaso ng indiscriminate firing ang naitala ng Philippine National Police habang nasa walong firearms ang nakumpiska kaugnay sa mga nakalipas na selebrasyon sa pagsalubong ng bagong taon.
Sa ulat ng PNP, nakapagtala ito ng 13 kaso ng illegal discharge of firearms kung saan arestado ang lahat ng mga nasasangkot kabilang na ang tatlong tauhan ng kapulisan na nahaharap ngayon sa administrative cases at posibleng masibak sa serbisyo.
Sinasabing nanganganib na maalis sa serbisyo ang tatlong pulis na sangkot sa pagpapaputok ng baril bago mag Bagong Taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, isa sa mga pulis na ito ay napaulat na nagpaputok ng baril nito lamang bisperas ng bagong taon sa Zamboanga City.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na kinuha umano ng naturang pulis ang service firearm ng kanyang kasamahang pulis at pinaputok ito ng ilang ulit sa likod ng kanilang istasyon habang sila’y nag-iinuman.
Napag-alamang agad na inilagay ang nasabing pulis sa ‘restrictive custody’ at nahaharap na ngayon sa mga kasong administratibo at kriminal, habang ang dalawang pulis naman na sangkot sa illegal discharge of firearms ay nangyari sa Malabon at Quezon City.
Ayon sa pamunuan ng PNP, oras na mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan sa paggamit nila ng baril na labas sa kanilang pagganap sa tungkulin ay posibleng pawang masibak sa tungkulin ang mga pulis dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril.