PNP, NAKA-HEIGHTENED ALERT DAHIL SA HOLY WEEK

By: Victor Baldemor Ruiz

NGAYON pa lamang ay inilagay na ng pamunuan ng Philippine National Police sa heightened alert status ang buong hanay ng Pambansang Pulisya para sa nalalapit na paggunita ng Sambayanang Pilipino ng Semana Santa.

Inihayag kahapon ni PNP- Public Information Office (PIO) Chief PCol. Jean Fajardo na taon-taon itong ginagawa ng kapulisan tuwing sasapit ang linggo ng Mahal na Araw.


Magugunitang una nang ibinahagi ng PNP na nakatakda silang mag-deploy ng 34,000 na pulis sa buong bansa para sa Oplan Summer Vacation (SUMVAC 2024) at kabilang dito ang may 7,000 tourist police.

Partikular na tututukan ng mga pulis ang mga boundary ng mga pangunahing lansangan papasok at palabas ng iba’-t ibang lalawigan na inaasahang dadagsain ng mga biyahero.

Bukod pa ito sa mga itatalagang puwersa na nagsisilbi sa mga itatayong Road Assistance and Help Desk na aayuda sa mga turista at mga bakasyunistang magsisipag-uwian sa mga probinsya ngayong panahon ng Semana Santa.


Bukod sa mga ‘places of convergence’ gaya ng mga bus terminal at pier ay binabantayan din ang mga Simbahan maging ang mga tourist spots .

Ayon pa kay Fajardo, ipinauubaya naman ng PNP higher headquarters sa mga Regional Director ang security deployment base sa peace and order status sa kanilang nasasakupan at maging ang pagtatakda ng security alert status, depende sa sitwasyon sa kanilang AOR.


Tags: Philippine National Police

You May Also Like