SIMULA araw ng Linggo ay inilagay ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (NCRPO) sa full alert status ang kanilang buong pwersa bilang bahagi ng security measures para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Hulyo 22, 2024.
Maging ang Task Force NCR ng Armed Forces of the Philippine ay idineploy na ang kanilang augmentation force bilang suporta sa PNP para matiyak na magiging maayos at payapa ang gaganaping SONA ni pangulong Marcos sa Batasan Complex.
Nangangahulugan ang full alert ng pinakamataas na antas ng kahandaan sa lahat ng police officers at kanilang mga units. Sa ilalim ng full alert status, hindi maaaring mag-leave ang mga pulis.
“We are on heightened alert such that on Sunday, we will be on full alert. As of now, threat level ang Metro Manila pinakamababa, halos walang threat. We are ensuring that the delivery of the SONA of our President will be seamless, smooth and very peaceful. pahayag ni NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. .
“AFP all set for PBBM’s 3rd SONA,” pahayag naman ni Col Xerxes Trinidad AFP chief Public Affairs Office.
Nabatid na bukod sa limangdaan sundalo na itinalaga ni BGen Eric Macaambac PN(M) ang bagong hirang na Joint Task Force National Capital (JTF-NCR) commander ay nag-deploy din ng dalawang armored vehicles para suportahan ang PNP .
Sinasabing kung kakailanganin pa ay may inihandang standby force ang AFP na mabilis na mahuhugot mula sa General Headquarters at tatlong major service commands.
“The AFP remains steadfast in supporting the PNP and ensuring a secure and peaceful SONA of the President. Through collaborative efforts and unwavering dedication, the AFP stands ready to safeguard the nation’s stability and democratic proceedings,” pahayag ni Col. Trinidad.
Nitong Sabado ay ipinatupad na ang gun ban sa Metro Manila na magtatapos hanggang sa hatinggabi ng Lunes, habang tuloy- tuloy din ang pakikipag-ugnayan ng military at pulis sa Presidential Security Group (PSG), maging sa National Bureau of Investigation (NBI) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), para matiyak na masinsin ang ilalatag na security blanket sa panahong ginaganap ang SONA at hanggang sa makaalis ang Pangulo at ang may 2,000 VIPs na dadalo sa nasabing pagtitipon.
Partikular na tinututukan ng ng PNP ang seguridad sa bisinidad ng Batasang Pambansa Complex dahil ang House of Representatives Office of Sergeant-at -Arms, pati ang PSG, ang siyang mangangasiwa sa seguridad sa loob.
Responsibilidad din ng pulis at militar ang labas ng Batasan, partikular ang mga convergence area kung saan inaasahang magtitipon-tipon ang mga magsasagawa ng kilos-protesta.