NILINAW kahapon ng Philippine National Police (PNP) na mga “spoiled ballots” ang nakitang pinupunit ng mga unipormadong pulis sa Cotabato City na nag-viral matapos ang eleksyon.
Nilinaw din ni PNP Police spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang briefing na mga pulis na umaaktong board of election inspectors ang nakuhanan ng video na sumisira sa tila pre-shaded ballots nung araw na eleksyon.
Ayon kay Col. Jean Fajardo, nagsagawa na sila ng imbestigasyon at naka usap na rin nila ang mga pulis na sangkot sa viral videos, na bahagi ng special electoral board of inspectors.
“Nakausap na po natin sila at ito ang nakuha nating information sa kanila. They were tasked to tear itong mga balota dahil tapos na ang botohan. At ayon na rin po sa board ay pwede pong punitin ang unused ballots para hindi na ito magamit,” paliwanag pa ni Fajardo sa isang televised briefing.
“‘Yung isang nakita doon ay nakita na shaded na balota, ito po ay considered spoiled ballot. Kaya ito po ay sinama na rin sa napunit ng ating kapulisan na nagsilbing special electoral board of inspectors doon sa nasabing presinto,” sabi pa ng taga pagsalita.
Magugunitang inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia na mga “ mock ballots” ang pinunit na balota na nakuhanan ng video na kumalat sa mga social media at hindi ito ginamit nuong botohan.
Nabatid na lumabas din sa pagsisiyasat ng PNP na iba’t ibang bersyon ng video ang kumalat sa social media, at ilan dito ay sadyang in-edit “to cast doubts on the integrity of the elections.”
Isang video they umano ang na-verify ng PNP na nagmula sa Cotabato City, kung saan ay awtorisado ang mga pulis na punitin ang mga ballota matapos na magsara ang polling precincts pasado alas 7 p.m. nuong May 9.
“Iba-iba kasi ang lumalabas na video at tinitingnan na yan ng PNP anti-cybercrime group… dahil it appears na pinagdikit-dikit po ‘yung ating mga video,” ani Fajardo. (VICTOR BALDEMOR)














