Latest News

PNP, NAGLAGAY NG 5,784 POLICE ASSISTANCE DESKS NGAYONG UNDAS

PARA matiyak na may kahandaan ang Philippine National Police na makatugon sa mga pangangailangan panseguridad ng taong bayan at maayos na gunitain ng sambayanan ang All Saints Day ay nagtalaga ang pambansang pulis ng may 5,784 police assistance desk.

Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ito ay bilang pagtitiyak ng Pambansang Pulisya ng kanilang kahandaan na tumugon sa sa anumang insidente kabilang na ang pagpapatupad ng pinaiiral na health protocols .


Nabatid na ang nasabing bilang ng police assistance desk ay ikakalat sa 4,769 public cemeteries, memorial parks at mga kolumbaryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sinabi pa ni Gen Azurin na mahigpit ang kanyang tagubilin sa mga pulis na panatilihin ang kaayusan at seguridad ngayong Undas.

Kaugnay nito ay pinaalalahanan ng heneral ang mga dadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay na sumunod sa alituntunin ng sementeryo at huwag magdala ng ipinagbabawal na kagamitan.


Nabatid na ngayong Undas, nakataas na sa full alert ang status ng PNP.

Samantala, habang nakikiisa ang PNP sa paggunita ng buong bansa sa All Saints Day at All Souls Day bilang pag alala sa mga yumaong mahal sa buhay ay humiling si General Azurin na sana naman ay isama sa panalangin ang mga pulis na nagbuwis ng buhay habang tumutupad sa kanilang tungkulin.


Hiling ni Azurin sa publiko ngayong All Saints’ Day at All Souls’ Day ay isama sa panalangin ang mga yumaong kapatid sa uniformed services partikular ang mga pulis at sundalong nasawi at inialay ang buhay para sa bansa.

Samantala, para sa mapayapang paggunita ng Undas ay nananatiling naka-duty ang 192,000 PNP personnel para sa pagtiyak ng kapayapaan at makabuluhang obserbasyon ng Undas ngayong taon. (VICTOR RUIZ BALDEMOR)


Tags: Philippine National Police

You May Also Like