MAHIGPIT na nagbabala ang Philippine National Police habang papalapit ang Kapaskuhan na maging maingat ang mamamayan lalo na ang mga ‘online users’ at mga ‘online shoppers’ na maging maingat sa kanilang mga ‘online transactions’.
Pinag-iingat ni PNP chief Police General Romel Francisco Marbil ang publiko sa kanilang mga ‘online transaction’ lalo na ngayong holiday season, na inaasahang sasamantalahin din ng mga scammers.
Ayon sa PNP Chief, mahalagang manatiling mapagmatyag ang bawat isa at iwasan ang pag-click sa anumang “suspicious links.”
Pinaalala rin niya sa lahat na iwasan ang malalaking cash transactions upang maiwasang mabiktima ng mga online scammer.
Patuloy namang nakatutok ang PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) sa mga sindikatong nasa likod ng online scams, ngunit sinabi ni Gen. Marbil na ang kamalayan at pag-iingat ng publiko ang pinakamahalaga.
Nagpaalala rin ang PNP-ACG na huwag basta basta magki-click ng anumang ipinadadalang link lalo na at nagmula ito sa mga kahina-hinalang source, ‘senders or redirect’.
Hindi rin umano dapat magbibigay ng anumang personal information online kung hindi kilala o mapagkakatiwalaan ang humihingi nito.














