NAGBABALA ang Philippine National Police (PNP) sa mga kabataan na suriing maigi ang mga sasalihang fraternity, mga brotherhood organization o samahang mga kaibigan dahil sa mga kaso ng pagkamatay sanhi ng mga initiation rites.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, kasunod ng pagkasawi ni Aldryn Bravante, 4th year Criminology student na siyang latest victim ng hazing ng Tau Gamma Phi fraternity.
Ayon kay Fajardo, lubhang nakalulungkot na may isang buhay na naman ang ibinuwis ng dahil sa kapatiran o mga fraternity kung saan pawang mga kabataang mag-aaral ang sangkot.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP chief General Benjamin Acorda, nagtamo ng hindi baba sa 60 palo ng paddle si Bravante na naging sanhi upang mag-collapse ito, na nauwi sa kamatayan.
Sa kasalukuyan, hawak na ng CPD ang ilang suspek na sinasabing responsable sa nahanap na hazing habang pinaghahanap pa rin ang ilang kasama sa naganap na initiation rites ng nasabing fraternity.
Mariing kinondena ng kapulisan ang insidente ng hazing na kinasangkutan ng isang estudyante ng Philippine College of Criminology na nauwi sa kanyang pagpanaw.
Ayon sa mga ulat, naganap ang initiation rites sa isang abandonadong gusali sa Barangay Sto. Domingo nitong nagdaang Linggo sa Quezon City.
Muli, ipinapakita ng insidenteng ito na ang hazing ay isang gawaing nagbabanta sa buhay na lumalabag sa mga prinsipyo ng dignidad ng tao, anang pulisya.
Posibleng maharap umano sa paglabag sa RA 11054 o ang Anti-Hazing Act ang mga sangkot sa pisikal na pananakit at karahasan sa pamamagitan ng hazing at iba pang initiation rites.














