PNP MEDIA ACTION CENTER, MINOBILISA NA PARA SA BSKE 2023

By: Victor Baldemor Ruiz

SINIMULAN nang i-mobilize ng Philippine National Police (PNP) ang media action center nito para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Lunes.

Inihayag ni PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo na araw ng Miyerkules ay nagsimula nang pakilusin ng PNP ang kanilang media action center mula sa national headquarters sa Camp Crame hanggang sa mga regional headquarters sa buong bansa.


Nabatid na ito ang magiging balon ng impormasyon ng mga mamamahayag kaugnay sa mga kaganapan na may kaugnayan sa BSKE 2023 .

Bukod sa mga itinalagang tauhan ng PNP ay may mga focal person o kinatawan ng Commission on Elections (COMELEC) at mga COMELEC deputized agency tulad ng Department of Education (DepEd), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG).

Dito ay pwedeng ma-access ng mga kasapi ng media ang mga impormasyon na may kinalaman sa eleksyon sa mas mabilis na paraan sa lahat ng panig ng bansa.


Ayon kay Fajardo, inaasahan nila ang mas mabilis na koordinasyon sa media center dahil dito kanilang iko-consolidate ang mga report na may kaugnayan sa eleksyon at agad nila itong gagawan ng aksyon.


Tags: Philippine National Police (PNP)

You May Also Like