Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na susunod sila sa utos ng Civil Service Commission (CSC) na nagbabawal sa mga kawani ng gobyerno na makisali sa anumang partisan political activities, partikular ngayong nalalapit na May 2025 midterm elections.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil, naninindigan ang buong hanay ng Pambansang Pulisya na mananatili itong propesyonal; ‘impartial’ o walang kinikilingan.
Patungkol ito sa Memorandum Circular No. 3-2025 ng Civil Service Commission na gumigiit sa kahalagahan ng pag-iingat sa paggamit ng social media upang maiwasan ang ‘partisan political activity’ lalo na sa hanay ng mga government personnel
Tinitiyak namin ng PNP na susundin ng lahat ng PNP personnel ang mga alituntunin ng CSC at iiwasan ang partisan politics. Nandito kami upang protektahan ang tao, hindi upang pumili ng panig,”ani Gen. Marbil na naninindigang maglilingkod sila ng may propesyonalismo at integridad..
Magiging patas umano at tapat nilang susundin ang Memorandum Circular no. 3-2025 ng Civil Service Commission (CSC) na nagsasad at nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na makilahok sa partisan political activities ngayong election period.
Kasama sa ipinagbabawal sa ilalim ng memo ang pag-like, share o maski mag-iwan ng komento sa mga political posts na nakalagay sa kahit anong social media platforms o kahit anong aksyon na nagpapakita ng suporta o pagkontra sa isang kandidato o partido.
Sinabi pa ng heneral na layon nito na matiyak na mananatiling neutral at may integridad ang pags-serbisyo sa publiko ng mga government workers, kabilang ang mga unipormadong tauhan, sa panahon ng halalan.
Tiniyak rin ng hepe na susundin ng lahat ng kapulisan ang mga alituntunin ng CSC at gagawing prayoridad ang proteksyon at seguridad ng mga mamamayang Pilipino.
Kaugnay nito ay nagbabala si Marbil na hindi niya palalagpasin ang mga pulis na lalabag sa alituntuning ito at masasangkot sa partisan politics, kung saan posibleng masuspinde o masibak sa serbisyo ang sinumang lalabag.
Nauna nang nilinaw ng CSC na pwedeng mag-like, mag-share, mag-comment, o mag-repost ng election-related content sa social media ang mga kawani ng pamahalaan, basta’t hindi ito hayagang nangangampanya o tumututol sa sinumang kandidato.