INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mananatiling naka-full alert ang buong pwersa ng kapulisan sa bansa kahit tapos na ang ginanap na Barangay at Sangguniang Kabataan Election nitong Lunes.
Ito ay bilang paghahanda rin at pagtitiyak na magiging maayos at mapayapa ang gagawing paggunita ng sambayanang Pilipino ng Todos Los Santos, ayon kay PNP Spokesperson Col Jean Fajardo.
Inihayag ni Fajardo na hindi na sila magbababa ng antas ng alerto upang masiguro na magiging ‘peaceful and orderly’ ang ‘long weekend’ ng sambayanan, lalo na ‘yung mga nagsipag-uwian sa mga lalawigan para gunitain ang kanilang mga mahal sa buhay.
Magugunita na simula October 28, dalawang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023, ay nakataas na ang alerto ng PNP maging ng Armed Forces of the Philippines at mananatiling naka-alerto ang kanilang puwersa hanggang makabalik ang mga kababayan nating gumunita ng Undas sa kani-kanilang probinsiya.
Sinabi pa ni Fajardo na mananatiling todo alerto ang mahigit 187,000 puwersa ng PNP sa iba’t- ibang panig ng bansa.
Nilinaw naman ng tagapagsalita ng Pambansang Kapulisan na pagkatapos ng Undas ay posibleng ibaba nila sa heightened alert ang kanilang status at muling magtataas ng alerto bago ang Pasko at Bagong Taon.
Kaugnay nito ay muling pinaalalahanan ng PNP ang kanilang mga tauhan na ipatutupad ang ‘no day off, no leave policy’ sa layuning masiguro na matagumpay na maidaraos ang magkakasunod na aktibidad sa bansa.