NAKAHANDA ang Philippine National Police na magpadala ng augmentation force sa Bicol region partikular sa lalawigan ng Albay bunsod ng patuloy na abnormalidad na ipinakikita ng Bulkang Mayon.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, nakahanda ang Reactionary Standby Support Force ang PNP na ide-deploy sa Albay sakaling magkaroon ng emergency.
Nabatid na humingi na ng tulong ang Bicol- PNP kasunod ng pasya ng Albay local government unit na palawigin pa sa 7 km danger zone ang paligid ng Mt. Mayon dahil sa nagpapatuloy na pag-aalburuto ng bulkan na naglabas na rin ng lava na umaabot sa halos isang kilometro.
Ayon kay PNP Bicol Regional Director Patrick Obinque, 34 na choke points ang ilalagay ng pulisya sa paligid ng bulkan at isang team ng PNP ang naatasang magbabantay sa bawat chokepoint.
Naka-heightened alert na rin ang PNP, na ibig sabihin ayb kanselado na ang mga leave ng mga pulis sa lalawigan
Nakapuwesto aniya ang mga ito sa mga itinalagang public school buildings, evacuation centers at mga strategic na lugar sa Albay.
Ayon kay Fajardo, nasa 800 pulis na ang naka-deploy doon at humingi na rin sila ng dagdag na pulis sa ibang probinsya.