HANDANG-handa na ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) para tiyaking magiging maayos, mapayapa at ligtas ang pagsisimula ng campaign period para sa iba’t-ibang local positions na pinaglalabanan ngayong darating na May 9 national elections.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, handa na ang ipatutupad nilang seguridad para matiyak na magiging mapayapa ang panahon ng kampanya hanggang sa matapos ang election period.
Partikular na tututukan ng PNP at maging ng Armed Forces of the Philippine ang lugar na kilala bilang “hot spot areas” o “areas of immediate concern”.
Sinasabing bukod sa makakatuwang ang AFP at PNP ay magdadagdag sila ng pwersa sa mga lugar na natukoy na election hotspots.
Nabatid pa na hinati sa apat na kategorya ang mga lugar na pinagtutuunan ng seguridad ng PNP at AFP.
Ang Green ay kinokonsiderang generally peaceful, Yellow para sa areas of concern na may naitalang election-related incident, ang Orange sa areas of immediate concern na may serious armed threat, at Red para sa mga lugar na may areas of grave concern kung saan posibleng ideklara ang COMELEC control.
Aminado ang PNP maituturing na security challenge ang pag-uumpisa ngayon ng local campaign period dahil inaasahan na mas matindi ang labanan sa pulitika lalo na sa mga lalawigan.
Kasama sa mga rehiyon na pinatutukan ng pamunuan ng PNP sa mga field commanders ay ang region 5,8,12,13 at PRO BAR
Dahil dito, inatasan na ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos ang mga local police commanders na magsagawa ng maayos na deployment ng kanilang mga tauhan.
Samantala sa Metro Manila, tinatayang aabot sa 4,000 tauhan ng PNP-National Capital Region Police Office ang kanilang idedeploy sa pagsisimula ng kampanyahang local sa kalakhang maynila ngayong araw na ito, March 25, 2022
Hangad ng NCRPO na makamit ang zero election-related incident sa panimula ng kampanya ng mga lokal na kandidato sa Metro Manila.
Kaya Nasa halos 4,000 tauhan ng NCRPO ang ipapakalat nila sa iba’t ibang aktibidad ng kampanya ng mga kandidato sa lokal na posisyon para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Sa pahayag ni Police Maj. Gen. Felipe Natividad, magiging hamon sa NCRPO ang nalalapit na halalan lalo na’t nahaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic kung saan inaasahan niya ang kooperasyon ng lahat ng tauhan na magagawa nila ng maayos ang trabaho.
Dagdag pa ni Natividad, nais niyang palakasin pa ang presensiya ng mga pulis, walang tigil na pagbabantay at patuloy na anti-criminality campaign para masigurong ligtas, payapa at maging patas ang nalalapit na halalan. (VICTOR BALDEMOR)