Latest News

PNP, DESIDIDONG MATAPOS NA ANG KASO NG MGA ‘MISSING SABUNGEROS’

IPINAKITA kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin, Jr., na desidido ang pambansang pulis na matapos na ang kaso ng mga nawawalang sabungero at mapakulong ang mastermind sa likod nito.

Iinatasan ni PGen. Azurin ang lahat ng National Support Unit (NSU) ng PNP na kumilos na at tumulong sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga nawawalang sabungero mula Laguna, Maynila, Batangas at Bulacan.


Ipinahayag ni Gen. Azurin na makakatuwang ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang NSU upang mapabilis ang pagresolba sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa lalong madaling panahon.

Naniniwala ang PNP chief na kaunting panahon na lamang ang gugugulin at mahuhuli na ang mga nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero kabilang ang utak nito.

Ayon naman sa PNP -Criminal Investigation & Detection Group (PNP-CIDG), isa sa mga prayoridad nila ang kaso ng mga nawawalang sabungero, kaya’t hinihikayat nila ang mga nasa likod ng pagdukot sa mga missing sabungero na makipag-ugnayan na sa Pambansang Pulisya.


Ayon kay PNP-CIDG Spokesperson PMaj. Mae Ann Cunanan, binibigyan nila ng tyansa ang mga suspek na makipagtulungan sa mga otoridad nang sa ganon ay matunton ang kinaroroonan ng mga sabungero at matukoy kung sino ang utak o mastermind sa krimen.

Ayon PNP-CIDG, puspusan ang paghahanap nila ng mga karagdagang ebidensya at mga testigo na makakatulong sa pagresolba ng kaso.


Una nang kinumpirma ng CIDG na bumuo na sila ng tracker team para matunton ang dalawa pang suspek na kamakailan lamang ay kinasuhan nila sa Department of Justice (DOJ) ng kidnapping at serious illegal detention.

Matatandaang kamakailan pormal nang sinampahan ng kasong kidnapping at serious illegal detention ng PNP sa Department of Justice (DOJ) sina Julie Patidongan alyas Dondon at isang John Doe na nakitang kasama ng isang nawawalang sabungero sa Laguna. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Jr., Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin

You May Also Like