TARGET ng Philippine National Police particular ang Criminal Investigation and Detection Group na halungkatin at busisiin kung may magkakaugnay sa mga high-profile cases na naganap sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Sinasabing bahagi ito ng planong re-opening ng mga sensational o high-profile cases ng PNP na magugunitang pinaboran din ng Malacañang .
Kabilang sa mga sinisilip ngayon ng PNP ang posibilidad na may koneksyon ang pagpatay kay dating PCSO Official Wesley Barayuga sa kaso rin ng pagpaslang kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Nabatid na hindi inaalis ng PNP ang posibilidad na iisang grupo lamang ang nagtrabaho para likidahin ang dalawang opisyal ng gobyerno.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo, na sa ngayon ay patuloy ang kanilang pangangalap ng mahahalagang impormasyon upang matukoy kung ang mga ito ba ay konektado.
Magugunitang kamakailan ay inihayag ng Malakanyang na suportado nito ang plano ng PNP na buksang muli ang imbestigasyon sa mga napatay na malalaking personalidad o high-profile cases sa anti-drug war campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang planong pagbubukas sa mga pagpatay sa ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon ay nagpapatunay umano na binibigyang- halaga ng administrasyong Marcos ang patas na hustisya, ani Executive Secretary Lucas Bersamin.
“The reopening of the investigations of the high killings related to the war on drugs should indicate that the Marcos administration places the highest importance on the fair dispensation of justice and on the universal observance of the rule of law in the country” pahayag pa ng opisyal.
Matatandaan na kabilang sa mga napatay sa drug war campaign ni Duterte sina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog; Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa; Tanauan Mayor Antonio Halili; dating PCSO Officer Wesley Barayuga, at iba pa.
Kung maaalala, sa nakalipas na pagdinig ng Quad Comm ay nabunyag na mga pulis rin ang sangkot sa naturang magkahiwalay na krimen na maituturing na sensational case.