NAGBABALA ang pamunuan ng Philippine National Police at maging ang mga lokal na opisyal ng gobyerno sa hilagang Luzon sa mga biyahero at turista na maging maingat at tiyaking nasa kondisyon ang mga sasakyan bago bumiyahe .
Ito ang naging babala ng mga awtoridad kasunod ng naganap na sakuna sa Mountain Province nitong nakalipas na linggo na ikinasawi ng limang katao, habang siyam na iba pa ang malubhang nasugatan nang sumadsad at mahulog sa 50 metrong lalim ng bangin ang kanilang sinasakyan.
Sa report, naganap ang trahedya alas-10 ng gabi noong Abril 4, 2025, sa Sitio Ampawilen, Barangay Poblacion, Sadanga na ikinamatay ng limang katao.
Ayon sa ulat ng Sadanga Municipal Police Station (MPS), Bureau of Fire Protection (BFP) at ng lokal na pamahalaan ng Sadanga, nawalan ng kontrol ang isang puting Nissan van na may plakang NDA 9883 at nahulog ang nasabing sasakyan sa bangin na may tinatayang 50 metrong lalim at tuluyang bumulusok sa ilog.
Idineklara ni Dr. Irene Limmayog na dead-on-the-spot ang apat na sakay ng van na sina Vance Quinto Hernandez Jr., 45, drayber, taga-Bulacan; Gerardo Navarro, 36, taga-Zamboanga; Veronica Hipolito, 36, ng South Cotabato at isang hindi pa nakikilalang babae na nakasuot ng gray na t-shirt at itim na leggings.
Idineklara namang dead-on-arrival sa ospital si Jay Niño Belando habang kasalukuyang nilalapatan pa ng lunas sa Bontoc General Hospital si Mary Joy Reyes, 45, taga-Maynila;, Archie Reyes, 25, ng Maynila; Cherish Quimpan, 20, taga-Cavite; Manuel Lap, 26, taga-Malvar, Batangas; Elvis Acupan, 25, ng Ilocos Norte; Ham Sua, 23, ng Tagaytay; Arlette Sarmiento, 23, taga-Ilocos Norte; Christine Cuidamat, 20, taga-Tagaytay; at Dan Dacoycoy, 24, ng Bacarra, Ilocos Norte.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente, habang naglabas ng paalala ang mga awtoridad na maging maingat sa pagbaybay sa matatarik at madidilim na kalsada, tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan at iwasan ang pagmamaneho nang pagod o inaantok.
Hinihimok din ang lahat ng biyahero na maging ang mga motorista ay dapat na sundin ang mga alituntunin para sa ligtas na paglalakbay upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.