PNP, AMINADONG LUMABAG SA EDSA BUSWAY RULES NANG DUMAAN ANG KANILANG CONVOY

By: Victor Baldemor Ruiz

AMINADO ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nilabag ng kanilang convoy ang ipinatutupad na EDSA busway rules bagamat kinikilala nila ang kapangyarihan ng mga tauhan ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) kaya agad na nagpatiket ang kanilang mga driver.

Kinumpirma ni PNP spokesperson Brig. General Jean Fajardo na mga matataas na opisyal ng kapulisan ang sakay ng convoy na pinara sa EDSA Bus Carousel lane sa Ortigas.


“Linawin po natin na iyon pong mga sasakyan na iyon ay nagpa-ticket. In fact, noong una po ay nag-attempt na makiusap iyong isa sa security explaining po iyong urgency kung bakit po sila dumaan doon sa lane. However, since hindi na nakipagtalo iyong security ay nagpa-ticket na lang po sila. Bagamat nakiusap na payagan pong makaalis iyong dalawang sasakyan,” ani Bgen Fajardo na hindi binanggit ang pangalan ng mga opisyal para na rin sa kanilang kaligtasan.

Sinasabing patungo sa Camp Crame ang convoy dahil sa mayroong closed-door meeting na isasagawa kung saan kailangan ang presensya ng matataas na opisyal na kasama sa convoy.

Dagdag pa nito na matapos na maihatid ang mga opisyal ng PNP ay bumalik ang driver ng convoy at sila ay nagpa-ticket sa DOTr-SAICT.


Una rito ay nagpaiwan din ang mga escort nilang naka-motorsiklo bilang katiyakan na babalik ang mga drivers ng convoy.

Handa umano silang magpaliwanag sa DOTr kung saan ang PNP ay siyang nangungunan sa pagre-respeto sa batas-trapiko.


May mga lumutang na ulat na mismong si PNP Chief Police General Francisco Rommel Marbil ang senior officer na sakay ng convoy.

Magugunitang mahigpit na ipinagbabawal ng DOTr-SAICT ang pagdaan sa EDSA busway kung saan limitado lamang ito sa mga matataas na opisyal ng gobyerno gaya ng Pangulo ng Pilipinas at pinakamatataas na opisyal, mga emergency na sasakyan at kahalintulad nito.


Tags: Philippine National Police (PNP)

You May Also Like