TUTUTUKAN ngayon ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang kaso ng anim na Chinese nationals na sinasabing dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Muntinlupa.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, Col Jean Fajardo, hawak na ng PNP-AKG ang kaso ng anim na Chinese nationals na dinukot kamakailan sa Ayala Alabang sa Muntinlupa City.
Sa huling update ay nakunan na ng salaysay ang driver ng mga biktima matapos siyang palayain kasama ng dalawang iba pa ng mga dumukot.
Samantala, tuloy-tuloy ang ginawang pakikipag-ugnayan ng AKG sa Chinese Embassy para sa background investigation ng mga biktima.
Sa ngayon, wala pang hinihinging ransom ang mga dumukot habang wala pa ring ‘proof of life’ ng mga biktima.
Sinasabing may mga persons of interest na tinitingnan ang mga pulis na posibleng makapagbigay-linaw sa nangyaring pagdukot.
Magugunitang unang iniulat ang pagdukot sa siyam na katao, kabilang ang anim na Chinese nationals, sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City nuong Lunes, subalit pinalaya ang tatlo sa kanila na pawang mga Pilipino, sa Calauan, Laguna, ayon sa mga pulis.
Sa ulat ng Police Regional Office 4A (PRO-4A) na sinamahan ng mga opisyal ng Barangay Limao sa Calauan ang tatlo sa kidnap victims na kinilalang sina Marian Arambulo, Henry Catapat at John Ray Catapat sa local police station, matapos silang palayain ng umano’y kidnappers.
Ayon sa ulat batay sa salaysay ng tatlo, dakong alas-4 ng umaga nang anim na armadong kalalakihan ang ang pumasok sa bahay ng kanilang employer na si Cheng Chi Liang sa Sampaca Street sa nasabing lugar.
Itinali ng mga kalalakihan at tinakpan ang mata nina Liang, Arambulo at dalawang Catapat at lima pang hindi pa natutukoy na Chinese nationals, base sa PRO-4A.