Tinututukan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group ang isang hinihinalang kidnap-for- ransom case matapos na makauwi na ng kanilang bahay ang biktimang 14- anyos na estudyante na putol umano ang isang daliri.
Ang tinutukoy sa ulat ay ang isang Malaysian-Chinese student mula sa Manila British School, isang prestigious non-profit private school sa Bonifacio Global City (BGC). Inaalam din ng mga imbestigador kung nagbayad ba ng ransom ang pamilya.
Sa mga naglabasang report ay humihingi umano ng 20 milyong US dollars ang mga abductors o dumukot sa biktima subalit matapos ang ilang araw ay sinasabing nakabalik na sa pamilya pero putol ang daliri ng binatilyong kinilala sa ilang social media post na si alyas Andi.
Tiniyak naman sa isang sulat ng pamunuan ng paaralan na prayoridad nila ang kaligtasan ng mga estudyante at nagbigay na sila ng counselling at emotional support sa mga estudyante, gayundin sa biktima ng pagdukot.
Samantala, inihayag ng PNP-AKG na nakapagtala na sila ng kabuuang 40 kidnapping cases. Sampu rito ay mga Chinese nationals na dinukot din ng kanilang mga kapwa Tsino mula January 2024.
Lumilitaw din sa datos ng PNP-AKG na ang mga naitalang kasong criminal kabilang ang kidnappings ay nag-gat sa hidwaan na may kaugnayan sa underground gambling at cyberfraud. Kadalasan, ang mga illegal activities ay may kaugnayan sa offshore gaming operations, ayon sa pulisya.
Pinakahuli sa tinututukan ng PNP-AKG ang pagkawala ng isang Chinese national na huling nakita noong February 20 sa Taguig City.
Hindi kinumpira ng PNP-AKG kung ito ang kaso ng isang Andy Wang na dinukot umano sa BGC subalit tiniyak nilang may mga leads ang PNP na sinusundan ngayon.
“The PNP will remain relentless in its efforts to curb criminal activities and dismantle networks that pose threats to peace and order. We are fully committed to upholding the rule of law and ensuring that perpetrators are held accountable,” ani PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil.