Latest News

PNP-AFP COMELEC CHECKPOINT PINA-IGTING

By: Victor Baldemor Ruiz

DALAWAMPUNG araw bago ang gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Election ay mas pinaigting ngayon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang kanilang mga minamantinang Commission on Election checkpoints.

Naniniwala ang AFP na ang pinaigting na COMELEC checkpoints ay isa sa mga factors upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang BSKE sa October 30.

Tiniyak ni AFP Western Mindanao Command Commander Maj. Gen. Steve Crespillo na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya kontra loose firearms sa bahagi ng Mindanao.

Sa katunayan, sa kanila sa Central Mindanao ay tuloy-tuloy umano ang pagsuko ng mga dating rebelde kasabay ng pag-turnover ng kanilang mga armas.

Paliwanag nito, sa pamamagitan ng mga inilatag na COMELEC checkpoint ay madaling mahuli ang mga violators tulad ng may dalang mga baril na ipinagbabawal sa ngayon dahil sa umiiral na gun ban.

Tulong din umano ito sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga ‘loose or undocumented firearms.’

Bukod pa rito, maagapan din umano ang anumang kriminalidad kapag mayroong checkpoint at pinalakas na police visibility sa lugar.

Sa datos ng PNP, mahigit 50 election-related incidents (ERIs) ang kanilang naitala habang mahigit 1,000 baril naman ang nakumpiska .

Lumilitaw sa hawak na ulat ng PNP na pumalo na sa 1,083 katao ang nahuli nila sa paglabag sa Election Gun Ban simula nang pairalin ito hanggang katapusan ng buwan ng Setyembre.

Nabatid na pinakamarami sa mga nahuling lumalabag sa gun ban ay sibilyan na nasa 1,000. Gayunman, ang pagdakip sa kanila ay hindi lang sa mga itinayong Comelec checkpoints kundi maging sa iba’t-ibang police operations.

Nasa 654 firearms naman ang nakumpiska; 1,288 ang idineposit sa mga police station para sa safekeeping at 1,156 ang isinuko.

Tags:

You May Also Like

Most Read