TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na wala nang balakid para sa mga nakatakdang promotion sa hanay ng kapulisan, matapos na maantala dahil sa hiling ng Department Of Interior and Local Government na maghain ng courtesy resignation ang lahat ng 3rd level police officers.
Ayon sa pamunuan ng PNP, matutuloy na ang promotion ng mga opisyal dahil wala nang nakikitang sagwil hinggil dito ngayong tapos na rin ang ginagawang vetting process ng binuong five-man advisory body na bumusisi sa record ng mga 3rd level officers kaugnay sa ginagawang internal cleansing sa hanay ng kapulisan.
Ito ang pagtitiyak ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo matapos na malinis ang pangalan ng 917 na mga opisyal ng PNP mula sa kalakalan ng iligal na droga.
Wala namang inilbas pang update sa 32 mga opisyal na sumasalang sa re-assessment ng National Police Commission hinggil sa posibilidad na koneksyon sa illegal drugs.
Kasunod ito ng rekomendasyon na pagtanggap sa courtesy resignation, pagsibak at pagsasampa ng kasong administratibo sa dalawang police general at dalawang colonel.
Sinabi pa ni Col Fajardo, makakamit na ng mga opisyal ang promosyon na nararapat sa kanila lalo na kung wala naman silang nakabinbing kaso.
Magugunitang kamakailan lang ay walong opisyal ng PNP ang na-promote sa pwesto kung saan tatlo ang umangat sa major general at lima naman ang naging brigadier general.