TINIYAK ni Philippine National Police Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na 100 percent ‘all system go’ na para sa 2025 midterm elections ang pambansang pulisya.
Ayon kay Gen. Marbil, 100% nang nakahanda ang kanilang hanay, kasabay ng pahayag na may direktiba siyang tumitiyak sa presensiya ng kapulisan sa ground para mangalaga sa peace and order.
Kahapon ay opisyal nang inilunsad ang National Media Action Center (NEMAC) sa Philippine National Police Command Center, limang araw bago ang national at local polls.
Layunin umano nito na tiyaking magkaroon ng mga ‘real time updates’ para agad na maaksyunan ang mga maitatalang karahasan, mga sakuna o ano mang banta na may kinalaman sa eleksyon.
Layon din ng NEMAC na makapagbigay ng mga tama, wasto, napapanahon at mga real time updates sa mga election-related incidents o maging mga updates mula sa kapulisan.
Bukod sa NEMAC ay magkakaroon din ng mga regional monitoring media action centers (REMACs) upang matiyak na hindi lamang sila ang nakakakuha ng impormasyon.
Kaugnay nito ay ipinakita rin ng pamunuan ng PNP kung gaano kahanda ang kanilang hanay sa loob ng kanilang command center.
Ipinakita sa pangunguna ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief MGen. Nicolas Torre III kung paano gumagana ang hotline na 911 sa mga emergencies at mga nais mag-report ng mga kaguluhan na agad na mate-trace at matutugunan ng mga tauhan na kanilang itatalaga sa buong bansa.
Babala ni MGen. Torre, sa pranksters na magbabalak na gumawa ng mga prank calls sa kanilang hotline, traceable ang mga linya na ginagamit ng mga tumatawag sa 911 hotline kaya agad din malalaman at mabeberipika kung sino, saan at anong klase ng device ang pinagmulan ng tawag.
Pagtiyak pa ng heneral , makakasuhan ang sinumang manloko at gumawa ng prank calls sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang emergency hotline.
Paalala pa ng heneral, buhay ang pinag uusapan lalo na ngayong eleksyon kaya huwag na sanang maisipang gumawa ng anumang biro na para lamang sa pansariling kasiyahan .
Samantala, inatasan ni Gen Marbil ang lahat ng commander na tiyakin ang presensiya ng kanilang mga tauhan sa mga itinalagang estratehikong lugar.
Kailangan umanong matiyak na walang magiging tala ng mga krimen sa araw ng eleksyon at kailangang masiguro na ang halalan ngayong taon ang magiging pinakamapayapa, pinaka matapat at pinaka maayos na eleksyon .