Latest News

PLM PREXY LEYCO, HINDI DAW ‘KAPIT-TUKO’?

By: Jerry S. Tan

Nakalagay sa social media account na “The PLM Supreme Student Council’ na sinabi daw ni Emmanuel Leyco, kasalukuyang Presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), na hindi siya “KAPIT-TUKO” sa kanyang posisyon at hindi rin daw siya ang isyu, sa gitna ng nakatakda (o nangyari na) na pagtanggal sa PLM sa listahan ng mga maaring makinabang sa subsidiyang ibinibigay ng Commission on Higher Education (CHED) sa mga local universities and colleges dahil sa kawalan ng doctorate degree ni Leyco.

Pangunahing requirement kasi ng CHED ang pagkakaroon ng doctorate degree ng anumang unibersidad na tumatanggap ng pinansiyal na suporta, na tinaguriang UniFAST. Kulang sa kwalipikasyon si Leyco kaya hindi maibigay ang nasabing pondo. Ngayon, kung ako si Leyco at mahal ko ang institusyon at mga mag-aaral ng PLM na makikinabang sa pondo, aalis ako sa puwesto nang mabilis pa sa alas-kuwatro. ‘Yan ang hindi pagiging kapit-tuko. “Sacrifice” ang tawag doon.

Malinaw pa sa bolang kristal na sa oras na mapalitan ng may kaukulang doctorate degree ang Presidente ng PLM, mabilis din sa alas-kwatrong ire-release ng CHED and nasabing pondo.


Natapos noong Agosto 31 ang deadline ng CHED para sumunod ang PLM sa nasabing requiremen. Batay sa CHED Resolution 285-2023 na nabuo sa 603rd regular commission en banc meeting noong May 30, 2023, bago ang implementation ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017, ang PLM ay nailagay sa kategorya bilang isa sa local universities and colleges (LUCs) na eligible na makapag-avail ng benepisyo ng Free Higher Education component ng UAQTE. Nakasaad din sa resolution na hindi ‘exempted’ ang PLM mula sa determinasyon ng CHED para sa quality tertiary institutions na magiging beneficiaries ng nasabing program at noong June 2018, lahat ng LUCs na kabilang sa programa ay kailangang mag-comply sa parehong IR at 100 percent certificate of program compliance sa loob ng dalawang taon upang magtuloy-tuloy ang benepisyo.

Sinasabi pa na isa sa mga requirements upang makuha ang IR na ang Presidente ay dapat na may doctorate degree at ang LUCs na mabibigong mag-comply na magkaroon ng doctorate degree requirement para sa President ay tatanggalin sa listahan at kukumpirmahin ng UniFAST governing board sa September 2022 board meeting.

Bukod sa gusot sa CHED, matatandaan na dalawang beses na ring nain-invalidate o pinawalang-bisa ng Civil Service Commission (CSC) ang appointment ni Leyco dahil sa kabiguan nito na ma-meet ang education requirement para sa posisyon bilang PLM president. Wala nga kasi itong doctorate degree.

Ang inihaing petisyon ni Leyco ay binasura din at nilagdaan ni CSC chairperson Alicia dela Rosa-Bala at CSC Commissioner Atty. Aileen Lourdes Lizada. Sa desisyon noong February 13, 2020, ang pag-invalidate ng CSC-NCR sa appointment ni Leyco ay dahil sa hindi nito na-meet ang educational requirement para sa nasabing posisyon na doctorate degree. Naghain ng petisyon si Leyco na i-review ang desisyon pero binasura ang kanyang petisyon ng CSC.


Sa desisyon nito ay ini-apply CSC ang Qualification Standards (QS) na sinasaad sa ilalim ng 1997 Revised Qualification Standards Manual, kung saan nakalagay na ang mga qualifications ma required para sa isang state university president kaukulang doctoral degree at limang taong karanasan sa posisyon involving management at supervision. Parehong wala nito si Leyco.

Kinategorya ng CHED ang PLM bilang local university at dahil dito ay sakop ito ng nasabing standards. Maliban pa sa pagkakaroon ng doctorate degree (Ph.D.) o Ed.D. (Doctor of Education), ang nasabing posisyon ay nire-require din ang “administrative and academic experience” o karanasan bilang dean, vice president o chancellor ng university at “proven track record” bilang administrator ng college o university. Dapat ay dati din siyang President, Vice-President, Dean, Campus Administrator o Academic Director na direktang nagre-report sa President o Vice President ng institusyon kung saan siya naglilingkod.

Kaya mahirap unawain kung bakit iginigiit ni Leyco na hindi siya ang isyu. Wala siyang doctorate degree na kailangan para magkaroon ang PLM ng international recognition (IR) upang maibigay ng CHED ang pondo. Pinawalang-bisa na din ng CSC ang appointment niya.

Kung may doctorate degree siya, eh di walang problema. Kung bibitiw siya sa puwesto at bibigyang-daan si Mayor Honey Lacuna na magtalaga ng may doctorate, dun lang maibibigay ang pondo. So, malinaw na si Leyco ang isyu. Napaka-simpleng intindihin.


May kasabihan nga, kung gusto, maraming paraan. Kung ayaw, maraming dahilan. Kahit pa gaano kabaluktot.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read