INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na naging matagumpay ang pagdaraos nito ng plebisito kamakalawa upang ratipikahan ang paglikha ng tatlong bagong barangay sa Marawi City sa Lanao del Sur.
Napag-alaman na ang naturang plebisito ay aktibong pinangasiwaan at minonitor ng mga Comelec officials, sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia at Commissioners na sina Aimee Ferolino at Ernesto Ferdinand Maceda, Jr.
Katuwang ng Comelec ang mga partner agenciesnito gaya ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), na may buong suporta ng Marawi City Local Government Unit.
Sinabi ng Comelec na nagwagi sa plebisito ang botong ‘Yes’ na nagbigay-daan sa paglikha ng tatlong bagong barangay sa Marawi City.
Ang mga ito ay ang Barangays Sultan Corobong, na nilikha mula sa Barangay Dulay Proper; Sultan Panoroganan, na nilikha mula sa Barangay Kilala; at Angoyao, na nilikha mula sa Barangay Patani.
Umabot umano sa 2,121 botante ang bumoto ng ‘Yes’ upang ratipikahan ang paglikha ng tatlong bagong barangay at tatlo ang bumoto ng ‘No.’
Dakong alas-7 ng umaga nang buksan ang walong clustered precincts sa tatlong voting centers sa Barangays Dulay, Kilala at Patan at isinara naman ang mga ito dakong alas-3 ng hapon.
Mula sa 2,265 rehistradong botante sa naturang kalahok na barangay, nasa kabuuang 2,123 voters ang bumoto,para sa overall voter turnout na 93.73%.