By: JANTZEN ALVIN
Inakusahan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang lumutang na dalawang aktibista na sumusunod sa “new playbook” ng komunistang rebelde para makakuha ng simpatiya sa publiko.
Nabatid na sinabi ng environmentalist na sina Jhed Reiyana Tamano at Jonila Castro sa isang press conference na inorganisa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na sila ay dinukot at pinagbantaan ng mga sundalo, taliwas sa ulat na sila ay boluntaryong sumuko.
Sinabi ni Tamano, coordinator ng Ecumenical Bishops Forum, na naglalakad sila sa kalsada noong Setyembre 2 nang sila ay dakmain.
Inakusahan din nila ang gobyerno na puwersahan silang pinalagda ng affidavit na nagsasaad na sika ay umalis na sa komunistang kilusan.
Gayunman, sinabi ni Remulla na sila ay may pruweba na ang dalawang aktibista ay lumagda ng affidavit sa harap ng kanilang mga magulang.
“It looks like a new playbook of the CPP-NPA para i-discredit ang gobyerno. Pero I don’t think na we should bite into this bait na kanilang sinet- up para magmukhang masama ang ating gobyerno,” ayon kay Remulla,
Bahagi umano ng kanilang choreography ang kanilang pahayag na sila ay kinidnap ng gobyerno.
“Nakikita natin talaga, meron talagang choreography na ginaganap para ma-involve ang international community dito. So, very elaborate ‘to,” ani Remulla.
“Maganda ang kanilang choreography, kaya lang we will not give in to this kind of blackmail.”
“Blackmail ‘to na wala talagang lugar sa isang sibilisadong bansa katulad natin,” dagdag ni Remulla.
Sinabi ni Remulla na susundin ng DOJ ang tamang proseso sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente sa sandaling maisampa na ang reklamo.














