Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Anti Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang pitong Vietnamese national dahil sa pag- aalok ng “volatile substance” na Nitrous Oxide (N20) o kilala bilang “laughing gas” sa mga customer ng KTV Bar.
Arestado noong Mayo 13 sa Pasay City ang mga Vietnamese na sina Viet Huu Nguyen, Hieu Van Bui,Tam Thanh Nguyen, Hue Thi Nguyen, Duy Van Nuuen, Canh Qliang at Anh Hoang Pham dahil sa pagbebenta ng N20.
Gayundin, inaresto ng NBI ang Pilipino na si Jose Fritz Reginio,head ng security ng GENZ KTV na matatagpuan sa Edsa,Pasay City.
Nabatid na ang N2O na kilala bilang “Laughing Gas”, ay Isang uri ng chemical compound na na-classify bilang volatile substance sa ilalim ng P.D. 1619.
Sa serye ng isinagawang surveillance operations ng NBI-AOTCD ay nakumpirma na ang nabanggit na KTV ay nag- aalok ng N20 sa kanilang customers.
Batay diyan ay Ikinasa ng NBI Ang operasyon kung saan isang poseur-buyer ang inalok ng isang combo ng Henessy VSOP na may 10 “bows” ng N20 sa halagang P30,238.00.
Nang iabot ang marked money kay Nguyen Thanh Tam, ang undercover agent ay nagbigay ng signal para pasukin ang establisimiyento na naging dahilan ng pagkaka-aresto sa mga Vietnamese national.
Nakumpiska rin ng NBI ang 22 tanks na naglalaman ng N20 at 12 packs ng uninflated balloon na ginagamit na lagayan ng N20 na gagamitin ng kanilang customers. Nakuha rin lay Reginio ang isang pistol na may tatlong magazine at 25 bala.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Sections 2, 3, at 4 ng Presidential Decree 1619 ang mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.
Samantala, ang may-ari ng establisimiyento na si Esemraldo Celoza Antioquia at maging si Reginio ay kinasuhan ng paglabag sa Sections 11 at 31 of Republic Act 10591 o mas kilala bilang’ illegal possession of firearm and ammunition’.














