Latest News

PITONG SUSPEK SA LOPEZ-COHEN DOUBLE MURDER CASE, SASAMPAHAN NA NG KASO

By: Victor Baldemor Ruiz

TIWALA si Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Director Lt. General Leo Francisco na pormal na nilang maihahain sa piskalya ngayong linggo ang kaso laban sa pitong akusado sa pagpatay sa magkasintahan na sina beauty queen Geneva Lopez at Israeli fiancé nitong si Yitzhak Cohen.

Ito ay oras na matapos nila ang mga karagdagang imbestigasyon at case conference sa kanilang counterpart sa National Bureau of Investigation, ani Ltgen Francisco.

Iniharap kahapon nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil ang dalawang dating police na kabilang sa sinasabing pitong suspek sa twin-slay case sa Tarlac.


Kinilala ang mga ito na sina Michael Angelo Guiang at Rommel Abuza, na sinasabing kapwa bumaril sa magkasintahan.

Sa ibinahaging impormasyon ni LtGen Francisco kahapon, si Guiang ang nagsilbing middleman nina Lopez at Cohen para sa planong bilhin na 20.5 ektaryang agricultural land ng magkasintahan, kung saan si Abuza umano ang tumayong buyer.

Isinanla umano ni Guiang ang lupa sa mga biktima at gusto na ni Lopez na ilitin ang nakasanlang lupain, subalit ayaw ng dating pulis na ibigay kaya hinihinalang ito ang dahilan kaya pinagplanuhan ang magkasintahan.

Nabatid na naaresto sa hiwalay na operasyon ang dalawang AWOL na pulis na may kaugnayan sa paglabag sa firearms regulation law and possession of an explosive sa ilalim ng Republic Act No. 9516.


Si Guiang at Abuza ay nakatalaga sa Angeles City police sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic at naalis sa serbisyo dahil sa paga-AWOL o absent without leave.

Tinitignan umano ng mga imbestigador ang anggulong robbery bilang pangunahing motibo sa pagpatay sa dalawa.

Ayon sa mga awtoridad, possible umanong may dalang pera ang magkasintahan kaya’t dito aniya nakatutok ang ginagawang imbestigasyon sa krimen.

Matatandaang inihayag ni NBI Director Jaime Santiago na kanilang tinitignan ang motibo na may kaugnay sa away sa lupa.


Ang limang suspek sa kaso ay nasa kustodiya na ng kapulisan habang ang dalawa naman ay nananatiling at-large.

Ayon kay Gen. Marbil, kumpiyansa ang mga imbestigador na mayroong sapat na ebidensya laban sa mga indibidwal na sangkot sa krimen matapos aminin ng isa sa mga suspek na kasama ito sa naglibing sa mga labi ng magkasintahan.

Tags: Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Director Lt. General Leo Francisco

You May Also Like

Most Read