By: JANTZEN ALVIN
Arestado sa National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD) ang pitong Chinese national na sangkot diumano sa credit card fraud at sa panunuhol sa mga ahenteng dumakip sa kanila sa isinagawang operasyon noong Hulyo 27 sa Paranaque City at Quezon City.
Ipinrisinta kay NBI Director Jaime Santiago ang mga suspek na sina Sun Jie at Lee Ching na sinampahan ng kasong paglabag sa Section 3(s) of RA No. 11449 (Access Devices Regulation Act) at Article 212 ng Revised Penal Code (Corruption of Public Officials), habang sina Jenny Pan ,Zhao Zheng,Dong Jianhua,Yuan Bien at Shao Wen Hu ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code at RA No. 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Act).
Ayon kay Santiago, maraming biktima ang nagsampa ng kanilang reklamo sa NBI-CCD laban sa mga suspek kaugnay sa iba’t-ibang modus operandi na may kaugnayan sa phishing, phishing, click-baiting, pretexting, whaling, at iba pa na nagresulta sa illegal access at paggamit ng credit card credentials nang hindi alam ng may-ari.
Ang grupo umano ng dayuhan na na-classify bilang isang Transnational Organized Crime (TOC) group ay nagka- cashout ng pera sa pamamagitan ng ‘socially engineered credit card credentials drawn’ mula sa biniktima nilang accounts na karamihan ay Point-of-Sale (POS) device para mapabilis ang cashout .
Napag-alaman na binibigyan ng 20% ang mga kasabwat para maging mabilis ang cashout.
Ayon kay Santiago,tinangka pang suhulan ng P1.5 milyon nila Sun Jie at Lee Ching Ho ang mga ahente ng NBI para hindi sila makasuhan, bagay na ‘sinakyan’ ng mga operatiba kaya nagkasa ng panibagong entrapment operation.
Nagkasundo ang mga kasabwat ng mga suspek na gawin ang palitan ng pera sa parking lot ng NBI Main Office sa Quezon City.
Inaresto ng NBI ang mga kasabwat ng suspek nang iabot nito ang bag ng pera sa operatiba ng NBI.
Nakumpiska din sa loob ng kanilang sasakyan ang tatlong baril at military-grade smoke-grenade na walang kaukulang dokumento.














