Dinampot ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong indibidwal kabilang ang isang barangay chairman na pasimuno at nahuli sa akto na nag-ooperate ng iligal na quarry sa bulubunduking bahagi ng Tarlac City.
Sa ulat ng NBI-Environmental Crime Division (EnCD), nagsagawa sila ng surveillance operations noont Setyembre 2 at 19 sa Brgy. Sta. Maria, ng naturang lungsod, at nakumpirma ang presensya ng isang quarry operation.
Nang berepikahin sa lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na wala silang inaaprubahang permits para sa operasyon ng quarry sa naturang lugar.
Oktubre 3 nang magkasa ng operasyon ang NBI katuwang ang mga tauhan ng DENR-MGB Region III. Nagresulta ito sa pagkakadakip kina Barangay Captain Albert Mercado na umano’y tagapamahala sa iligal na quarry operation at kaniyang barangay councilor na si Arturo Dela Cruz, na nagsisilbi namang checker.
Nadakip rin sa operasyon ang mga tauhan na sina Joel Santos, Jesus Santos, Jessie Santos, Jonathan Santos at Jerry Espinosa. Nakumpiska sa kanila ang isang payloader at apat na trak na may kabuuang halagang P1.8 milyon.
Narekober rin ang mga delivery receipts na nagpapakita na ang mga nakukuhang mga mineral sa quarry ay idinideliber nila sa mga lalawigan ng Cavite; Batangas at sa Gapan, Pampanga at iba pang lugar.
Sa imbestigasyon, nabatid pa ang ang kinikita sa quarry operation ay pinaghahatian nina Brgy. Captain Mercado at ng ilang tiwaling tauhan ng Provincial Government of Tarlac sa 60:40 ratio na hatian.
Nabatid pa na ang Royal Crown Monarch Inc., isang kumpanya na kinontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksyon ng mga proyekto sa Tarlac City ay kumukuha ng mga materyales sa iligal na quarry.
Samantala ay sinampahan na ng mga kasong paglabag sa Section 103 (Theft of Minerals) ng RA 7942 o ang “Philippine Mining Act of 1995, ang mga nadakip sa Tarlac City Prosecutor’s Office habang patuloy ang imbestigasyon sa lalim ng pagkakasangkot dito ng mga tauhan ng pamahalaan. (CARL ANGELO)