Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Dagupan District Office (NBI-DADO) ang pitong indibiduwal na sangkot sa pagbebenta ng mga lupain na may pekeng titulo ,kamakailan sa Dagupan City.
Kinilala ng NBI-DADO ang mga naaresto na sina Corazon Langit Idio-Villedo,alyas Lourdes Tan ,Rogelio de Guzman Martinez, Cornelio Velasquez Mejia,Danilo Andaya, Bernard Tandoc,Sonny Fernandez at Arturo Castro.
Ang mga suspek ay inaresto dahil sa paglabag sa Article 315 (Estafa) in relation to Article 172 (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents) na pawang nasa ilalim ng Revised Penal Code (RPC).
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng biktimang inalok na mabentahan ng parcel ng lupa sa Nalsian, Calasiao, Pangasinan na may 378 square meters at nakarehistro umano sa pangalan ni Lourdes V. Tan.
Sa paniniwala ng biktima na kay Tan ang lupain ay pumayag siya na bilhin ito sa halagang P3 milyon at sa pamamagitan ng kinatawan nito ay ginawa ang Deed of Conditional Sale and Deed of Absolute Sale .
Nagbayad umano ang biktima ng kabuuang P2.8 milyon sa tatlong okasyon.
Gayunman, sinabi ng complainant na nang dumating siya sa Pilipinas noong Agosto 2023 ay nadiskubre niya na ang tunay na Lourdes V. Tan ay naninirahan sa United States at ang Transfer of Certificate of Title No. 111438 na ibinigay sa kanya ay peke.
Samantala,sina Martinez, Mejia, Andaya at Castro ay nag-demand pa sa complainant na bayaran ang nalalabing P200,000.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay nagtungo na sa NBI ang complainant at ikinasa ang entrapment operation.
Noong Setyembre 15, 2023 ay nagtungo ang NBI sa napagkasunduang lugar at kaagad na inaresto ang mga suspek na sina Martinez, Mejia, Andaya, Tandoc, Fernandez at Castro, pero hindi sumulpot si Tan sa lugar.
Hindi umano alam ni Tan na naaresto ang kanyang mga kasabwat kaya ito naman ang naningil sa complainant sa balanse nitong P200,000.
Noong Setyembre 18,2023 nakipagkita ito sa complainant na nagpanggap na si Lourdes Tan at nang iabot ang marked money ay saka inaresto ng NBI ang suspek.














