Piolo at Kim, wagi sa 38th Star Awards for Television

By: Beth Gelena

SINA Piolo Pascual at Kim Chiu ang wagi ng acting awards sa katatapos na 38th Star Awards for Television last Sunday sa Dolphy Theater, Quezon City, sa muling pagbibigay parangal ng PMPC Star Awards sa mga natatanging programa sa telebisyon na umere noong 2024.

Itinanghal na Best Drama Actor si Piolo para sa “Pamilya Sagrado” at si Kim naman bilang Best Drama Actress para sa “Linlang.” Ang dalawang drama series ay kapwa ipinalabas sa TV5 at A2Z. Mangiyak-ngiyak na tinanggap ni Kim ang kanyang tropeyo at buong-pusong nagpasalamat sa ilang tao na nakatulong sa kanya upang magampanan nang maayos ang kanyang unang bida-kontrabida role sa telebisyon.

Wagi bilang Best TV Station — ang pinakamataas na parangal — ang GMA 7, pagpapatunay ng pangingibabaw ng Kapuso network sa larangan ng telebisyon sa Pilipinas, na nakakopo rin ng pinakamaraming panalo.


Sa iba pang major categories ay nasungkit ni Janine Gutierrez ang Best Drama Supporting Actress para sa kanyang mahusay na pagkakaganap sa seryeng “Lavender Fields” ng TV5 at A2Z.

Nag-tie naman sa kategoryang Best Drama Supporting Actor sina Dennis Trillo para sa “Pulang Araw” (GMA 7) at Arnold Reyes para sa “My Guardian Alien” (GMA 7).


Personal na tinanggap ni Coco Martin at ng mga direktor niya ang tropeyo bilang Best Primetime TV Series para sa “FPJ’s Batang Quiapo” (TV5, A2Z).

Wagi bilang Best Variety Show ang “It’s Showtime” at si Anne Curtis bilang Best Female TV Host sa parehong noontime show, samantalang si Bossing Vic Sotto naman ang nag-uwi ng parangal bilang Best Male TV Host para sa “Eat Bulaga!” (TV5, RPTV).


Naging emosyunal si Janice de Belen na tinanggap ang pinakamataas na rekognisyon (para sa isang artista o TV host) bilang recipient ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award at nagbalik-tanaw siya sa kanyang pagsisimula bilang child star noong 1978.

Ang nagpakilala naman kay Julius Babao na ginawaran ng pagkilala bilang Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award ay ang mentor niyang si Jake Maderazo, isang haligi ng ABS-CBN News and Public Affairs.

Tilian ang kanilang mga tagahanga nang umakyat sa entablado upang tanggapin ang kanilang tropeyo bilang German Moreno Power Tandem ang KimPau (Kim Chiu at Paulo Avelino) at BarDa (Barbie Forteza at David Licauco. Ang special award na ito mula sa German Moreno Foundation ni Master Showman Kuya Germs ay tradisyong iginagawad tuwing Star Awards for Television.

Maramdaming tinanggap ni Maritess Gutierrez ang plake ng pagkilala ng PMPC para sa kanyang namayapang inang si Gloria Romero na binigyan ng special tribute bilang isa sa Icons of Philippine Television at inalayan ng bonggang awitin ni Concert King Martin Nievera.

Ang 38th Star Awards for Television ay mula sa Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard at sa direksyon ni Eric Quizon.

Ang pagbibigay-parangal na ito ay mula sa PMPC Star Awards sa pamumuno ni Mell Navarro na kasalukuyang PMPC President at Overall Chairman Rodel Fernando.
Mapapanuod ang delayed telecast ng buong gabi ng parangal sa April 5 sa A2Z.

Tags: KIm Chiu, Piolo Pascual

You May Also Like

Most Read