SINIBAK kahapon ni Philippine National Police (PNP) General Rodolfo Azurin, Jr., ang hepe ng PNP-Custodial Center kasunod ng tangkang pagtakas ng tatlong detainees at hostage-taking kay Senator Leila de Lima kamakalawa ng umaga.
Ni-relieve sa pwesto si Lt. Col Patrick Ramillano, ang pinuno ng PNP Custodial Facility .
“Administratively po ay ni-relieve po natin yung chief ng custodial service unit para sa ganoon po ay malaman po natin kung ano ho ba yung mga naging lapses po sa pag-implement ng security po sa custodial center natin,” pahayag ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin. Jr.
Ayon kay PNP Chief Azurin Jr., bahagi ito ng proseso habang gumugulong ang imbestigasyon hinggil sa naganap na brief hostage taking incident kay dating Sen. Leila de Lima.
Sa ngayon, naka-heightened alert ang buong Kampo Krame matapos ang naturang insidente.
Aminado si Azurin na may pagkukulang sa ipinatupad na seguridad sa kanilang detention facility kung kaya’t nangyari ang hostage- taking kay Senador De Lima.
Dahilan ito kaya ipinag-utos niya na silipin ang lahat ng security protocols upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.
Kabilang sa mga rerepasuhin ay ang paraan ng pagpapakain sa mga detainee. Ang pagpapairal ng buddy-buddy system sa oras ng pagpapakain ng mga detainees.
Sinabi ni Azurin na base kasi sa karanasan kahapon, pinagtulungan ng tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group na nagtangkang tumakas mula sa kanilang custodial facility si Police Corporal Roger Agustin kung saan pinagsasaksak ito ng tinidor.
Sa pamamagitan aniya ng buddy system ay hindi na magagawa pang pagtulungan ang mga pulis na napag-alaman na hindi mga armado na bahagi ng kanilang security protocol. (VICTOR BALDEMOR)